Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

45 barangay sa San Miguel at Calumpit, Bulacan binaha dahil sa epekto ng Bagyong Lando

$
0
0
Google Map:  Calumpit and San Miguel, Bulacan

Google Map: Calumpit and San Miguel, Bulacan

BULACAN, Philippines — Tatlumpu’t limang Barangay sa San Miguel ang binaha dahil sa pag-ulan at humugos na tubig mula sa Nueva Ecija bunsod ng Bagyong lando.

Sa ulat ng San Miguel Mayor Roderick Tionson, umabot ng dalawa hanggang apat na talampakan ang baha sa Barangay Maligaya, Barias, Pulong Duhat, King Kabayo, Baritan, Pinambaran, Buga, Salacot, Ilog Bulo, Mandile, Batasan Bata at Matanda, San Agustin, San Vicente, Poblacion at Tigpalas.

Nasa pitumpung pamilya o katumbas ng 350 indibidwal ang nanunuluyan ngayon sa evacuation center sa Barangay San Jose old PNR Station sa palengke habang hinihintay ang tuluyang paghupa ng baha ngayong gumaganda na ang lagay ng panahon.

Samantala, sampung barangay naman sa Calumpit, Bulacan ang binaha dala ng ulan at tubig na pinakawalan mula sa Bustos at Ipo Dam.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, hanggang tatlong talampakan ang baha sa bahagi ng Sapang Bayan, Gatbuca habang isa hanggang dalawang talampakan naman sa Barangay Frances, Meysulao at San Miguel pati na sa Bulusan, Sta. Lucia, Calizon, Balungao, Sucol.

Baha na rin sa Barangay San Juan at Bagong Barrio na bahagi ng Bayan ng Balagtas.

Ngayong araw ay nakatakda namang mamahagi ang lokal na pamahalaan ng relief goods, gaya ng tubig at pagkain, sa mga naapektuhan ng bagyo na umaabot sa mahigit apat na libo at limandaang indibidwal.

Samantala, sa ngayon ay itinigil na ng Bustos at Ipo dam ang pagpapakawala ng tubig.

As of 8 am, nasa 17.48 meters na lamang ang Bustos dam mula sa spilling level na 17.70 meters; ang Ipo dam ay nasa 100.72 meters naman mula sa 101 meter-spilling level habang ang Angat Dam ay nasa umakyat na sa 201.25 meters ang antas ng tubig na malayo pa sa spilling level na 210 meters. (NESTOR TORRES / UNTV News)

The post 45 barangay sa San Miguel at Calumpit, Bulacan binaha dahil sa epekto ng Bagyong Lando appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481