MANILA, Philippines — Bukod sa petition to cancel COC ni Atty. Estrella Elamparo at petition for disqualification ni former Senator Francisco Kit Tatad, pinakakansela rin ni Political Science Professor Antonio Contreras ang certificate of candidacy ni Senator Grace Poe sa pagkapangulo.
Sa petisyong isinumite ni Contreras sa Commission on Elections partikular na kinukwestyon nito ang kakulangan ni Poe sa 10-year residency requirement para sa mga tumatakbong presidente.
Pahayag ni Contreras,”Naglagay siya (Poe) sa kaniyang certificate of candidacy na mayroon siyang 10 years and 11 months sa May 9, 2016. Base on my calculations that’s not true. Kulang siya ng 2 months and 9 days… it is a petition to cancel her COC because it bears a false representation.”
Ngunit hindi gaya sa naunang dalawang petisyon sa kandidatura sa pagkapangulo ni Poe, hindi na kinwestyon ni Contreras ang citizenship o ang pagiging foundling ng senadora.
Dagdag pa ng petitioner, “Kung ako ay lalaban gusto kung lumaban na medyo may malakas na jurisprudence sa likuran ko kasi hindi ako abugado. Wala pa kasing malinaw na jurisprudence sa citizenship ng isang foundling.”
Sinabi rin ng propesor na walang nag-udyok sa kaniya upang ipakansela ang COC ni Poe.
Sisikapin naman ng COMELEC na matapos ang pagdinig sa mga reklamo sa lalong madaling panahon o bago mag eleksyon.
Tiniyak naman ng komisyon na walang magyayaring rail roading sa pagdinig sa kaso.
Ani Chairman Andres Bautista, “Alam din naman namin na kung anoman ang magiging aming desisyon pwedeng maapela sa ating Korte Suprema. Kaya’t sa aming palagay mas maagang mapagpasyahan ang mga kasong ito mas mabuti para sa ating halalan, mas mabuti para sa ating demokrasya.”
Pahabol naman ni Contreras, “Kapag manalo siya pero nadesisyunan na kulang pala siya sa residency parang na cancel ang COC niya, so parang hindi siya kandidato. So, therefore ang lalabas kung sino yung number two yun ang magiging presidente hindi yung law of succession… you may end up being an instrument of the installation of a minority president who is not even the one na gusto ng tao.”
Hahawakan ng COMELEC 2nd division ang mga petisyon laban sa kandidatura ni Poe na kinabibilangan nina Commisioner Al Parreño, Arthur Lim at Sheriff Abas. (VICTOR COSARE / UNTV News)
The post Isa pang petisyon upang makansela ang COC ni Sen. Poe, inihain sa COMELEC appeared first on UNTV News.