BULACAN, Philippines — Inabisuhan na ng lokal na pamahalaan ang mga residente sa Bulacan na lumikas na at maging alerto sa posible pang pagtaas ng baha.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), patuloy pa ring umaapaw ang Pampanga River at pababa naman sa Bulacan ang tubig na nagmumula sa Nueva Ecija kaya inaasahan na nila ang pagtaas pa ng baha.
Sa tala ng PDRRMC, umabot na hanggang sampung talampakan o lagpas tao ang baha sa labintatlong barangay sa Calumpit, kabilang na sa Barangay Bapang Bayan, San Jose, Maysulao, San Miguel, Calizon, Bulusan, Pandakot, Poblacion, Gatbuca, Gugo, Sta. Lucia, Meyto at Caniogan.
Hanggang beywang naman ang baha sa barangay ng Mandile, San Juan, San Isidro pati na sa Barangay Sucol, Balungao, Palimbang Riverside, Iba o Este-Banawe at San Marcos Riverside.
Wala na ring kuryente sa sampung barangay sa Calumpit.
Sa ngayon ay hindi pa rin madaanan ng mga sasakyan ang kalsada sa Calumpit papuntang Apalit-McArthur Highway Road, pati na ang harap ng Colegio de Calumpit Institute dahil hanggang beywang na baha.
Hindi rin maaaring daanan ng maliliit na sasakyan ang parteng Calumpit hanggang Pulilan at Calumpit to Hagunoy roads dahil sa hanggang hita na baha.
Sa pinakahuling ulat, nasa 13,022 families o katumbas ng 65,110 individuals ang naapektuhan ng baha ngunit 989 families lamang ang nanuluyan sa labing-apat na evacuation centers sa Calumpit.
Samantala, abiso naman sa lahat ng mga papuntang Pampanga mula sa Malolos-Tabang area, maaaring dumaan sa alternatibong ruta Sta. Rita, Pulilan at San Simon exits.
Sa ngayon ay patuloy nang nagsasagawa ng rescue operations ang lokal na pamahalaan sa mga residenteng nais lumikas mula sa lumubog nilang mga bahay sakay ng rubber boats at malalaking truck.
Pinag-iingat rin ng mga awtoridad ang ating mga kababayan sa paglusong sa baha dahil sa mga ahas at iba pang sakit na maaaring makuha sa baha. (NESTOR TORRES / UNTV News)
The post Baha sa Calumpit at Hagunoy sa Bulacan, patuloy pa ring tumataas appeared first on UNTV News.