MANILA, Philippines — Hindi lamang doble, kundi tripleng pag-iingat na ang ginagawa ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA laban sa modus operandi na “Tanim Bala” o bullet-planting sa mga bagahe.
Sa mga nakalipas na Linggo, maraming pasahero, karamihan ay Overseas Filipino Workers, ang nahulihan ng bala sa paliparan na umano’y sinadyang inilagay sa mga bagahe ng mga pasahero upang ma-extort.
Sa takot na mabiktima rin ng scam, ang mag-asawang Loren at Mike na patungong Canada ay binalutan ng plastic o cling wrap ang kanilang mga bagahe.
Ani Loren, “Unang una po, nakakahiya, kasi maraming mga foreigner, like yung asawa ko po… mga kaibigan namin, mga kamag-anak niya, natatakot.”
Ang iba naman maliban sa kandado ay nilagyan pa ng duct tape ang zipper ng kanilang mga bag.
Mayroon ding naglabas ng saloobin sa pamamagitan ng paglalagay ng note sa kanilang mga bagahe, katulad ng “Wala kaming dalang bala, mas mahigpit sa Singapore. Boom Panot.”
Samantala, nagpulong ang Department of Transportation and Communications at iba pang ahensya na may kinalaman sa imbestigasyon ng tanim bala scam nitong umaga ng Lunes.
Layon ng pulong na ma-consolidate ang lahat ng mga impormasyon hinggil sa scam.
Ayon kay Manila International Airport Authority Spokesperson David de Castro, limang kaso na ng naturang scam ang hawak ng grupo.
Kabilang rito ang kaso ng 65-anyos na si Nimfa Fontamillas na papunta sanang Singapore, subalit nakitaan ng bala ng baril sa kanyang handbag sa NAIA Terminal 1 kahapon.
Sinabi ni De Castro na kabuuang 40 airport personnel na ang iniimbestigahan ng DOTC at MIAA sa ngayon sa iba’t ibang kaso, kasama na ang tanim bala scam.
Aniya, ang mga ito ay tinanggalan na ng access pass at inilagay sa stop list order ng paliparan bilang protocol.
Dagdag ni De Castro, gumagawa na ng mga hakbang ang MIAA upang masolusyonan ang problemang ito, kagaya ng pagdagdag ng CCTV cameras sa strategic areas ng paliparan, pagsasaayos ng seguridad dito at paglalagay ng help desk para sa mga pasahero.
David De Castro, “Nangyayari daw siya sa initial screening. Aside from that, we are also looking into… saan kaya ito pwede mag-start, aside from the initial screening? There are sources claiming that as soon as they step before the entrance, eh meron na. We are looking into possible scenarios.”
Matapos ang imbestigasyon ay isusumite ng DOTC ang findings kay Pangulong Benigno Aquino III.
Muli namang nagpaalala ang miaa sa publiko na bawal magdala ng bala sa pagsakay sa eroplano. Kung biktima naman ng tanim bala scam, agad ipagbigay-alam sa ahensya upang maparusahan ang nasa likod nito. (BIANCA DAVA / UNTV News)
The post Mga pasahero sa NAIA, kanya-kanyang pag-iingat laban sa “tanim bala” scam appeared first on UNTV News.