PASAY CITY, Philippines — Kabilang sina Senador Juan Ponce Enrile, Bong Revilla Jr., Gregorio Honasan II, Jinggoy Estrada, Edgardo Angara, Lito Lapid sa mga binanggit nitong Huwebes ng Commission on Audit na mga nagbigay ng pork barrel sa mga pekeng non government organization.
Si Senador Ralph Recto, naman na isa rin sa nabangit sa COA report dahil naman sa kanyang unliquidated PDAF ang tanging dumalo sa pagdinig at nagpaliwanag ng kanyang panig.
Depensa ni Sen. Recto, “Pero wala akong dokumento sa inyo na nag-request ako sa DBM na mayroon akong inindorse na NGO na mayroong MOA.”
Hindi man nakadalo at nakapagpaliwanag ang iba pang mga senador na nabanggit sa eskandalo, ayon kay Senate President Franklin Drilon hindi dapat kondenahin ang mga ito.
Nilinaw nito na nakahanda ang mga kapwa senador na magpaliwanag sa isyu.
“Let us not condemn before they are given an opportunity to explain themselves,” ani Drilon.
Hindi naman pinipilit ni Drilon ang mga nabanggit na senador na dumalo sa susunod na pagdinig.
Karapatan aniya nila na mag-inhibit at dapat itong respetuhin.
Sa kabila nito pinuri ni Senador Drilon ang COA report na inilabas sa Senado.
“Ito ang unang pagkakataon na nakita kong hindi pinigilan ng COA ang kanilang pag-iimbestiga, hindi po kagaya ng nakalipas na administrasyon na kung may katiwalian ay tinatago.” (Bryan De Paz, UNTV News)