QUEZON CITY, Philippines — May sampung application sa land transportation franchising and regulatory board o LTFRB para sa provisional authority upang makapag operate bilang transport network vehicle service o TNVS.
Pito sa nasabing sampung application ay mga Mitsubishi Montero Sports.
Subalit hindi pa man nasusuri ng LTFRB ang mga application ay hinarang na ito ni Atty. Felizardo Tiu.
Sa kasalukuyan ay mayroong tatlumpung kliente si Atty. Tiu na nagrereklamo sa Mitsubishi Motors Philippines Corporation.
Ang mga reklamo ay kaugnay ng sudden unintended acceleration ng Montero Sports.
Ayon kay Tiu, bukod sa pagpapahinto dapat ay makapag labas ng kautusan ang LTFRB sa Uber at Grab na huwag na rin pahintulutan ang mga Montero Sports na mag-operate bilang Grab at Uber.
“It is just fair and proper na protektahan natin yung riding public, kasi you might not be using Montero Sports but if that Montero is on the highway then suddenly magkaroon ng problema gaya ng sudden unintended acceleration, who would stop them?,” pahayag ni Atty. Tiu.
Isa sa mga may bagong biling Montero Sports ay si Marieta Molina, matapos mabalitaan ang mga aksidente na kinasasangkutan ng sasakyang ito ay hindi na nila ginamit ang sasakyan.
Nag-downpayment ng 500 thousand si Marieta para sa Montero at naghuhulog ng 30k kada buwan subalit hindi na nila ito nagagamit.
Pahayag ni Aling Marieta,”Dala ng nakaka-alarma yung news. So, maski-sino kung kasama mo ang family nyo dun sa sasakyan baka kung ano mangyari.”
Ayon naman sa LTFRB, hihintayin nila ang magiging resulta ng imbestigasyon ng Department of Trade and Industry bago mag desisyon sa reklamo ni Atty. Tiu.
Subalit kung si LTFRB Board Member Ariel Inton ang tatanungin, sususpindihin nya ang mga Montero Sport na Uber at Grab.
“Kung ako mismo ang tatanungin, may desisyon na ko dito. For the safety of the passengers… suspend,” walang atubiling pahayag ni Atty. Inton.
Ayon kay Inton, mas maganda na iwasan muna ng mga pasahero ng Uber at Grab na sumakay sa mga Montero Sport na premium taxi. (MON JOCSON / UNTV News)
The post Pagbibigay ng franchise sa mga Uber at Grab Car na Montero Sports, ipinapahinto sa LTFRB appeared first on UNTV News.