QUEZON CITY, Philippines — Isang tawag sa 911-UNTV (8688) ng isang concerned citizen ang agad na nirespondehan ng UNTV News and Rescue team kaugnay ng isang aksidente na kinasangkutan ng isang bus at motorsiklo sa EDSA sa area ng Ortigas Avenue, Pasig City alas otso ng umaga nitong Biyernes, Enero 01, 2015.
Nadatnan pa ng rescue team ang motorcycle rider na nasa ilalim ng bus.
Nakilala ang biktima na si Rolex Gatdula, 38 years old na taga-Marilao, Bulacan.
Ayon sa nakasaksi sa insidente, nag-slide ang motorsiklong sinasakyan ni Gatdula kung saan isang bus naman ang paparating sa kaniyang likuran.
Pahayag ng saksing si Redin Yanera, “Nag-slide siya after niya mag-slide po kakabig sana siya, gumagapang siya pakaliwa. So may parating na bus doon sa kaliwa sa likod niya. So ang nangyari po yong isip noong bus, kakaliwa din para maiwasan yung tao, ang nangyari nga lang parehas sila kumabig sa kaliwa so nasagasaan yong driver yung tao sa tiyan. Nakita ko yung tao kumakaway parang sabi ng tao stop na kaso lang sobrang bilis ng takbo ng bus driver kaya hindi agad nakapreno yong bus kaya kinabig na lang sa kaliwa para maiwasan kaso lang tinamaan pa rin yung tao.”
Agad namang tumakas sa aksidente ang driver ng admiral bus na nakilalang si Rogelio Domingo.
Nagtamo naman ng maraming gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at nakaranas ng pananakit sa dibdib at likod si Gatdula.
Nilapatan ng pangunahang lunas ang motorcycle rider at agad na dinala sa pinakamalapit na ospital. (NEL MARIBOJOC / UNTV News)
The post Motorcycle rider na nasagasaan ng isang bus sa EDSA, nirespondehan ng UNTV News and Rescue appeared first on UNTV News.