QUEZON CITY, Philippines — “We will run after you and file cases against you.” Ito ang ipinahayag ni Philippine National Police Chief PDG Ricardo Marquez laban sa mga nagpaputok ng baril at tila ipinagyayabang pa nang i-post sa social media.
Ayon sa heneral, ang mga video ay nasa PNP-Anti Cybercrime Group na upang suriin ang authenticity.
Kung mapatutunayang authentic ito, hindi titigil ang pambansang pulisya, hangga’t hindi nahuhuli ang mga ito upang masampahan ng kaso.
“We will trace them kung sino sino sila at saan nangyari yun.”
Base sa datos ng PNP, sa 54 insidente ng stray bullet, 41 ang tinamaan ng ligaw na bala simula noong December 16.
Ngunit kung tutuusin, mas mababa pa rin ito sa 64 na insidente noong isang taon; na 46 ang nabiktima kabilang ang isang namatay.
Sa 11 insidente naman ng illegal discharge of firearms ngayong taon, siyam na ang nahuli ng PNP kabilang ang pitong sibilyan, isang pulis at isang security guard.
Mababa rin ito kumpara noong isang taon na may 24 na insidente, 18 ang naaresto kabilang na ang walong pulis.
Tiniyak din ng opisyal na tatanggalin na serbisyo si PO1 Francis Flake na nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Bagong Diwa, Taguig na nagpaputok ng baril sa tapat ng isang restaurant sa Malate.
Ani General Marquez, “We don’t need people like him in the force. We will make sure that he will be dismissed in the service.”
At dahil sa walang takot na pagpapaputok ng baril ng ilang mga sibilyan, nais ng heneral na irekomenda sa mga mambabatas na amyendahan ang Republic Act 7183 upang magkaroon ng mas mabigat na parusa ang mga mahuhuling nagpapaputok ng baril.
Base sa kasalukuyang batas, nasa 200 piso lamang ang multa o isang araw hanggang isang buwan na pagkakalulong ang parusa sa kasong alarm and scandal.
Habang anim na buwan hanggang anim na taon naman sa illegal discharge of firearms.
Ayon sa PNP chief, “A part of our recommendation probably would be the amendment of the law and discuss on the House of Representatives and the Senate. We will make suggestions na kapag alarm and scandal is committed through the use of firearms, dapat siguro mas mataas ang penalty.”
Plano ng PNP na maglagay ng mga CCTV sa mga madidilim na lugar katulong ang lgu upang mas madaling ma-monitor ang nangyayari sa paligid at bilang bahagi na rin ng kanilang anti-criminality campaign. (LEA YLAGAN / UNTV News)
The post Mga nagpaputok ng baril noong holiday season, hahanapin at pakakasuhan ng PNP appeared first on UNTV News.