MAKATI CITY, Philippines — Batay sa inilabas na order ng Department of Trade and Industry (DTI) noong December 17, 2015 kaugnay sa imbestigasyon sa umano’y sudden unintended acceleration (SUA) ng Mitsubishi Montero Sport, kinakailangang sumailalim pa sa isang third party laboratory test ang mga inirereklamong unit ng sasakyan.
Layon nito na makabuo ng mas komprehensibong resulta ng imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng SUA ng Montero.
Ayon kay DTI Undersecretary Vic Dimaguiba, inaasahang sa unang linggo ng Pebrero isasagawa ang third-party laboratory test sa limang unit ng Montero Sport na model 2010 hanggang 2015.
Ani USec. Dimagiba,”We will get one unit from those that have filed charges with the DTI, we will also get one from those that have experienced SUA but that have opted for settlement with Mitsubishi. We will also get one that have not experience SUA. So, under our meeting with the technical working group, we are at least thinking sending five vehicles to the third party laboratory that will be selected.”
Sa pamamagitan ng third-party laboratory, isasailalim sa electromagnetic compatibility test ang mga electronic control units (ECU) ng mga Montero na nagkaroon ng SUA.
Sa oras na matapos ang test, muling magsasagawa ng pag-aaral ang DTI, at pagkatapos nito ay maglalabas na ito ng pinal na desisyon sa huling linggo ng Pebrero.
“Towards February, we are devoting at least a week for the actual testing of the full vehicle, and then another 1-2 weeks for the interpretation, evaluation and the decision by the end of February.”
Dagdag pa ng DTI, ang ahensya ang siyang gagastos sa gagawing test at hindi ang Mitsubishi Motors Philippines Corporation, ito ay upang masiguro ang kredibilidad sa magiging resulta ng third-party laboratory test.
Sa kasulukuyan, dalawang kumpanya ang pinagpipilian ng DTI na magsagawa ng third-party test. Ito ay ang Bureau Veritas at TUV, na pawang mga German-based company na kilala sa testing, inspection at certification services sa buong mundo.
Una ng inihayag ng Mitsubishi Philippines na bukas sila sa panukalang ito, maging sa pagbibigay ng free inspection at mandatory preventive maintenance sa lahat ng SUA complaint na natanggap ng DTI. (JOAN NANO / UNTV News)
The post Imbestigasyon hinggil sa umano’y sudden unintended acceleration ng Mitsubishi Montero Sport, tatapusin na ng DTI sa Pebrero 2016 appeared first on UNTV News.