MANILA, Philippines — Nitong Martes (January 12) ay nagbigay na ng go signal ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na i-monitor ang mga taxi na kumukuha ng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kaugnay ito sa mga lumalabas na mga reklamo sa mga taxi driver na naniningil umano ng dollar rates sa mga pasahero o nag-oovercharge.
Sinabi naman ang LTFRB na regular na nitong gagawin ang random inspection sa mga taxi, rental o kahit coupon cars na kumukuha ng pasahero sa NAIA.
May LTFRB inspectors na iikot sa lahat ng terminal lalo na sa mga lugar na naniningil ng sobra ang mga taxi driver.
Pahayag ni NAIA LTFRB inspector Geneza Benigno, “Gagawan po namin ito ng report. At para mai-endorse natin sa ating kapulisan para sila ang bahalang pumunta doon at humuli sa kanila. Tapos kami na ang bahala magbigay ng assistance.”
Simula nang magpatupad ng random inspection o monitoring ay wala pang report sa kanilang taxi violations.
Umaasa naman ang ibang pasahero tulad ni Rene at Daisy na kapuwa nabiktima na nang overcharging na matitigil na ang sobrang paninigil ng airport taxi sa mga pasahero.
Ani Rene Malasaga, “Masolusyunan na sana talaga yan kasi bukod mataas ang charge nila, namimili sila. Dapat pantay pantay tulad sa ibang areas like Cebu at sa Davao.”
Ani Daisy Asyelawes, “Nakakagulat kasi may pasalubong pang hinihingi at may chocolate, sila pa ang nag-a-ask. Akala siguro nila madali lang ang pera.”
Maging ang ibang regular airport taxi drivers, nadidismaya rin sa mga nababalitaan nila.
Ang iba naman, naniniwalang dahil sa mataas na boundary rates at mahinang pasada kaya nakakagawa ng ilegal ang ibang drivers.
Anang taxi driver na si Ronnie Grecio, “Ang titigas ng mukha non eh. Mga pioneer ika nga… kaya lang yung iba (pasahero) pinababayaan na abusuhin sila, kaya imbes na umuunti, dumadami.”
Sabi naman ni Mang Alfredo De Los Reyes, “Paano ka ba-boundary ng P1,500 kundi ka gagawa ng paraan? Yung humingi ka ng konting dagdag, hindi kasamaan yun, kung gusto lang ng pasahero. Wag mo pipilitin.”
Ayon sa LTFRB, sa ngayon patuloy nitong tinutukan ang at pinag-aaralan ang mga posibleng long-term na solution sa problema sa mga taxi sa NAIA.
Paliwanag ng LTFRB, ilan sa mga proposal ay maglagay ng karagdagang airport buses, kung saan mas mura ang singil sa mga pasahero at walang posibilidad na mag-overcharge dahil fixed ang singil.
Ang isa naman ay pagpapataw ng mas malaking penalty sa mga mahuhuling lumalabag.
Pahayag ni LTFRB Board Member Atty. Antonio Inton, “Pangalawa, pagpupulungan namin ng mga taxi operator sa NAIA kung ano yung mga pwede nating gawing polisiya and strict penalties kapag may nahuling mga mag-o-overcharge.”
Paulit ulit na payo ng LTFRB at maging ng airport authorities sa mga pasahero, isumbong sa kanila ang mga mahuhuli nilang abusadong taxi drivers. (DARLENE BASINGAN / UNTV News)
The post LTFRB, nangakong patuloy na tutukan ang problema sa mga airport taxi appeared first on UNTV News.