MANILA, Philippines — Sa halip na January 27, sisimulan ang pag-imprenta ng mga balota ay sa February 01 na.
Ayon sa Commission on Election (COMELEC), kailangang masiguro na walang problema sa mga pangalan ng kandidato na ilalagay sa balota.
Ani COMELEC Spokesperson Dir. James Jimenez, “You have to understand kapag nagsama ka ng pangalan sa balota na matatanggal naman pala, eventually, makakakuha ng votes yun eh and that votes will be considered stray. So, all things considered, the commission is not in a big rush to get these names out. We want to take as much time necessary to make sure that when we finally come out with a ballot that’s really everyone that you can vote for.”
Paliwanag ng COMELEC may mga kandidato pa ring nakabinbin ang apela sa Korte Suprema.
Sa kaso ni Senator Grace Poe, hangga’t hindi pinal ang desisyon ng Supreme Court, maisasama pa rin ang kaniyang pangalan sa balota.
Samantala, wala pa ring desisyon ang COMELEC First Division sa ilan pang petisyon laban naman sa kandidatura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Nitong Biyernes, nagsumite na ang magkabilang partido ng kanilang mga memorandum pagkatapos ay submitted for resolution na ang kaso.
Ngayong linggo, inaasahang maglalabas ng list of candidates ang COMELEC upang ma-check ng mga kandidato kung tama ang pagkakasulat ng kanilang pangalan sa balota.
Ngunit hindi pa ito ang pinal na listahan dahil posibleng may matanggal pang pangalan.
“We’re eliminating names from that list of names that filed certificate of candidacy and when we’re done eliminating, what remains is your official list of candidates,” dagdag pa ni Dir. Jimenez.
Samantala, sa mahigit 97,000 vote counting machines na gagamitin sa halalan, 43,000 na ang nasa bansa.
Subalit ang problema, 24,000 pa ang nasa kustodiya ng Bureau of Customs.
Ayon sa tagapagsalita ng COMELEC, nangako ang SMARTMATIC na sa katapusan ng buwang ito ay maide-deliver na ang lahat ng mga makina.
Kampante naman ang poll body na pasok pa rin sila sa kanilang timeline ng paghahanda sa halalan. (VICTOR COSARE / UNTV News)
The post Pag-imprenta ng balota, ipinagpaliban ng COMELEC appeared first on UNTV News.