QUEZON CITY, Philippines — Ngayong Biyernes ay inaasahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP-Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) ang pagharap ng may-ari ng townhouse na ginawang shabu laboratory sa Sta. Cruz, Manila kung saan nahuli sina Lt. Col. Ferdinand Marcelo at Chinese national na si Yan Yi Shuo.
Ayon kay PDEA Dir. Gen. Arturo Cacdac Jr., ipinatawag na ng AIDG sina Haydee Uy na nagmamay-ari ng Toyota Camry na ginamit nina Marcelino at May Co na may-ari naman ng townhouse.
Sinabi pa ni Cacdac na kung mabibigo ang dalawa na magbigay nang kanilang paliwanag ay kakasuhan nila ito ng Sec. 26 o conspiracy ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dagdag pa ng opisyal, kinumpirma ng duty guard ng townhouse na tumawag pa sa kanila si Co upang papasukin ang sakay nang Toyota Altis noong January 20 bandang alas nuebe ng gabi.
Nakita rin aniya ng guard sa trunk ng sasakyan ang apat na plastic tray.
Ito rin ang plastic tray na nakita naman sa loob ng townhouse na may lamang droga ng sumalakay ang mga tauhan ng PDEA at AIDG noong January 21 ng madaling araw. (LEA YLAGAN / UNTV News)
The post May-ari ng townhouse kung saan nahuli si Lt. Col. Ferdinand Marcelino, pagpapaliwanagin ng PDEA at PNP-AIDG appeared first on UNTV News.