CAVITE, Philippines — Huling pagkakataon na ni Pangulong Benigno Aquino III na dumalo sa graduation rites ng Philippine National Police Academy o PNPA bilang pangulo ng bansa.
Kaya sinamantala na nito ang pagkakataon upang maibida ang kanyang mga nagawang reporma sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, nakamit ng pamahalaan ang 1:1 police to pistol ratio kung saan mahigit 74,000 units ng Glock pistol ang naipagkaloob na sa mga pulis noong 2013.
Maging ang kakulangan sa mga gamit ng mga bumbero ay patuloy ring tinutugunan.
Sa kabila nito, sinabi ni Pangulong Aquino na may ilang reporma pa ang nais niyang maipatupad bago siya bumaba sa pwesto.
Isa na rito ay ang pag-amyenda sa PNP Law.
“Sa ganitong paraan, matutukoy ang mga probisyong pumipigil sa agarang pagpapataw ng parusa sa mga pinunong nagkukulang sa pagtupad ng tungkulin. Gayundin, mapapaigting nito ang disiplina sa pagsunod sa ating mga patakaran, at mapapangalagaan ang karapatan ng lahat.”
Sa mensahe rin ng Pangulo sa mga nagsipagtapos sa PNPA ngayong araw, mag-ingat sa posibilidad na korapsyon sa eleksyon.
“Uulitin ko ang hamon ko sa bawat pagkakataong humaharap ako sa mga guma-graduate tulad ninyo: kung abutan kayo ng sobre kapalit ng inyong dangal, magpapabili ba kayo? Kung may napangakong promotion kapalit ng inyong pananahimik, sa harap ng katiwalian o pang-aabuso, tatanggapin ba ninyo? Kung pinapili kayo: bayan o sarili, alin ang uunahin ninyo?”
Ibinigay na rin ng Pangulo ang kanyang marching order sa mga nagsipagtapos sa akademya na tiyaking magiging ligtas at mapayapa ang darating na eleksyon.
(NEL MARIBOJOC / UNTV News)
The post PNPA graduate, huwag padadala sa mga corrupt na kandidato ngayong eleksyon — Pres. Aquino appeared first on UNTV News.