MANILA, Philippines — Hindi gumana ang automatic train protection (ATP) system ng tren na nasa viral video ng isang commuter ng LRT line 1.
Ayon sa Light Rail Management Corporation o LRMC, natukoy na ang tren na nagkaproblema ay ang 1st generation train ng lrt na tatlumpu’t tatlong taong nang ginagamit.
Ayon sa LRMC, iimbestigahan nito kung ano ang nangyari at hindi gumana ang ATP.
Ani LRMC Operations Director Rod Bulario, “Kasi old trains na yan, 33 years old na yang nga trains na yan, marami na ring mga faults na lumalabas, actually ginawa ng LRMC diyan inorder na namin mga piyesa at mapalitan na lahat kasi anytime we don’t know, hindi natin masasabi 100% na hindi na mauulit.”
Humingi naman ng paumanhin ang LRMC sa mga commuter ng LRT line 1.
Dagdag pa ni Bulario, “Sana sununod, sa mga public announcement namin tungkol sa safety, humawak sa hand rails, lumayo sa mga pintuan upang maiwasan natin ang aksidente. Humihingi kami ng paumanhin sa nangyari at talagang di po natin ito inaasahan.”
Kuha ang video nitong Huwebes ng gabi ng pasahero na si James Cubelo sa LRT Central Station habang rush hour at dagsa ang mga pasahero.
Makikita sa video na bukas ang pinto ng bagon ng LRT line 1 habang bumibyahe patungong U.N. Avenue station.
Ayon sa post ni Cubelo, napansin nila na tumatakbo na ang tren subalit hindi pa rin sumasara ang pinto.
Nagulat na lamang sila ng sabihin ng guard na humawak na lamang ng mabuti sa mga hand rail
Bagama’t parang nagkakasiyahan habang kinukuhanan ng video ang bukas na pinto, nakakatakot at mapanganib ang naging biyahe, ayon kay Cubelo.
Sa post ni Cubelo, hinikayat niya ang nga netizen na i-share ang video upang makarating sa LRT management.
Sinabi rin ni Cubelo sa kanyang post na hndi siya nagmamadali na makita ang mga bagong tren ng LRT kundi ang hinihiling niya ay ang kaligtasan ng lahat na sumasakay araw-araw sa LRT. (MON JOCSON / UNTV News)
The post Tren ng LRT na bumukas ang pinto habang bumibyahe, iimbestigahan ng LRMC appeared first on UNTV News.