QUEZON CITY, Philippines — Makalipas ang isang buwang surveillance nahuli na ng CIDG Anti Organized Crime Unit kaninang alas dos ng madaling araw ang isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Bulacan Regional Trial Court Judge Wilfredo Nieves.
Ayon kay CIDG Deputy Director for Operations P/SSupt. Mon Rafael, sa bisa ng warrant of arrest, naaresto ang suspek na si Jay Joson sa loob ng Prime Global Hospital sa Molino, Bacoor, Cavite.
Si Joson ang sinasabing driver ng sasakyan kung saan sakay ang gunman na si Arnel Janoras na bumaril umano kay Nieves.
Pansamantalang nakadetine ngayon si Joson sa CIDG sa Camp Crame.
Pahayag ni P/SSupt. Rafael, “Meron siyang dalawang anak na naka-confine sa isang hospital sa Molino. So, binabangayan ng tropa doon at madulas din minsan kaya mahaba haba ding panahon bago namin nahuli, after one month… meron siya kasing murder, no bail.”
November 11, noong nakaraang taon tinambangan si Judge Nieves sa Malolos, Bulacan.
Una nang itinuro ng gunman na si Janoras na ang utak sa pagpatay kay Judge Nieves ay si Raymond Dominguez na lider ng isang sindikato ng carnapping.
Noong April 2012, sa pamamagitan ni Judge Nieves na-convict si Dominguez at sinentensyahan ng tatlumpung taong pagkakakulong.
Ang gunman na si Janoras ay nagbigay ng extra judicial confession noong nakaraang taon ngunit napatay ito ng mga pulis nang mang agaw umano ng baril sa loob ng sasakyan habang naka-posas.
(LEA YLAGAN / UNTV News)
The post Isa pang suspek sa pagpatay kay Bulacan RTC Judge Wilfredo Nieves, nahuli na ng CIDG appeared first on UNTV News.