QUEZON CITY, Philippines — Arestado ang dalawang lalaki kabilang ang isang Chinese national sa isinigawang drug buy-bust operation ng Regional Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group (RAID-SOTG) ng Philippine National Police sa bahagi ng Green Meadows Avenue, Barangay Ugong Norte sa Quezon City dakong alas onse singkwenta’y singko nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Jose Cruz Tan, isang Chinese national at ang pinoy na si Rodel Sarabia Tolica.
Nasabat sa naturang operasyon ang high grade na hinihinalang 20 kilo ng shabu na may street value na 100 milyong piso kasama ang apat na milyong piso na marked money.
Ayon kay Supt. Robert Razon, commanding officer ng RAID-SOTG, konektado umano ang mga suspek sa malaking drug syndicate partikular na si Tan sa mga Chinese na naunang nahuli sa mga nakaraang operasyon ng awtoridad.
“Ngayon po, Case Operational Plan 3 na po tayo. Dirediretso po ito sa pagtugis natin sa ating mga high-value targets,” ani Supt. Razon.
Pahayag naman ni NCRPO Chief Police Director Joel Pagdilao, “Napaka-importante yung community sa kani-kanilang lugar para maubos natin itong nagtutulak ng droga sa lugar sa Metro Manila.”
“Itong operation na ginagawa ng Philippine National Police hindi lang po sa NCR. Everyday, may operation sa buong Pilipinas,” ani DILG Sec. Mel Senen Sarmiento.
“Since January 1, nasa 200 kilos na tayo, around 4,800 arrested already,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, dinala na sa Camp Bagong Diwa ang mga suspek pati ang sasakyang ginamit nito para sa imbestigasyon.
(REYNANTE PONTE / UNTV News)
The post P100-M halaga ng hinihinalang shabu, nasabat sa operasyon ng PNP appeared first on UNTV News.