MANILA, Philippines — Nakiisa ang mga mag-aaral at instructors ng La Verdad Christian College (LVCC) at miyembro ng Bible Readers Society International sa relief operations para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.
Pansamantalang ipinagpaliban ng mga estudyante ang ilan sa kanilang klase at sama-samang nag-volunteer sa pagre-repack ng mga relief goods sa operation “Walang Iwanan” ng Gawad Kalinga sa Quezon City.
“Yung mga magka-klase ngayon nung nalaman na merong ganitong operation pati mga instructor sumama na rin para makatulong,” pahayag ni Jensen Sobrejuanite, NSTP Instructor.
Ayon sa mga mag-aaral, inspirasyon nila sa pagtulong sa kapwa ang adbokasiya ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon na “Ang pag-gawa ng mabuti ay hindi magbubunga ng masama”.
Pahayag ni Andrew, “Yung pagbo-volunteer lang po kahit isang tao mabibigyan… basta po nakatulong ako masaya po.”
“Salamat po sa Diyos, kasi in a little way maliit na bagay to.. di man ako makabigay ng pera wala man akong maibigay sa kanila at least yung pagtulong ko sa pag-rerepack… basta sobrang saya,” pahayag naman ni Rozen.
Sumama rin sa relief operations ang Bread Society International.
“Lagi po naming sasamantalahin na bawat pagkakataon na gagawin na gumawa ng mabuti sa kapwa lalo na yung mga nasalanta.. kaya andito po kami ngayon tumutulong sa pagre-repack ng relief goods,” saad naman ni Gerlo Kevin Real.
Nagpapasalamat naman ang “Walang Iwanan” sa ginawang pagtulong ng mga estudyante ng La Verdad Christian College at mga miyembro ng Bread Society.
Patuloy rin itong humihikayat ng mga volunteer para tumulong sa repacking ng relief goods para sa ating mga kababayan sa Visayas.
“Pumunta po kayo dito sa DAR Gym… open pa po ang operation Walang Iwanan hangagang Sunday… ine-encourage po namin kayo na hapon pumunta hanggang gabi para makatulong po tayo sa paglo-load ng mga relief goods sa mga truck,” saad nito. (Ley Ann Lugod / Ruth Navales, UNTV News)