MANILA, Philippines — Inilatag na sa lahat ng team coaches at managers ang house rules and regulations sa sampung koponan na kalahok sa Season 2 ng UNTV Cup.
Binigyang diin ni UNTV Cup Commissioner Atoy Co at Deputy Commissioner Ed Cordero ang layon ng istasyon na mai-promote ang magandang pagsasamahan ng mga manlalaro.
“Camaraderie, bonding, family-oriented tayo, kaya as much as possible talagang clean fun basketball. Ni-reiterate ko rin yung mga physical contacts sa games na napapanood natin sa PBA eh ayaw kong mangyari sa UNTV Cup, ang gusto ko dito sa UNTV Cup clean fun basketball,” pahayag ni Co.
Ayon kay Raffy Bretanico, pinuno ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na FIBA rules ang gagamitin sa UNTV Cup bilang isang amateur league.
“Even NBA and other tournament, ‘pag dumating sa world basketball and Olympics, we use FIBA rules so dapat talaga this is about time lahat ng tournament natin is using FIBA Rules,” saad nito.
Base sa inilatag na house rules, ang bawat koponan ay may hanggang labing walong player na lehitimo at may isang taon nang empleyado sa ahensyang kinakatawan.
Pinahihintulutan naman ang isang team na gumamit ng dalawang guest player. Maaring dating PBA player basta’t itoy limang taon ng retirado sa professional game, o kaya’y celebrity player o nakasali sa non-professional league basta’t hindi bababa sa edad na 32.
Nais ng kauna-unahang inter-agency basketball tournament on TV na mabigyang pagkakataon ang mga empleyado ng gobyerno na maipakita ang kakayahan at makatulong sa mga nangangailangan sa larangan ng basketball.
Positibo naman ang naging pagtanggap ng coaches ng bawat koponan.
“Maganda yung intension ng mga commissioners at ng UNTV because ang purpose naman siguro nito hindi naman yung pro-league. Ang ano dito eh yung for mga empleyado. Ang gusto nila ay magkaroon ng panibagong star within the rank ng mga empleyado,” pahayag ni Coach Lino Ong, Team Senate.
Ayon naman kay Team MMDA Assistant Coach John Cardel, “I’m very excited, you know magandang liga ito. At least kahit medyo retired ka na, we have the TV and all the interviews, so sisikat sila at least kahit ganung age na sila, sabi nga ni commissioner yun nga mga kapitbahay, they cheer for them na manood ng game na to, I’m very-very excited talaga for the first game.”
Kahapon, sinimulan na ang tune-up practice ng iba’t ibang team bilang preparasyon season two ng UNTV na magbubukas sa Pebrero.
“Kaya ko ginawang re-enforce yun para naman yung ibang team na nasa ilalim nung nakaraan eh magkaroon ng tsansa na magpalakas at maging competitive sila sa ibang team,” dagdag pa ni Atoy Co. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)