MANILA, Philippines — Patuloy ang isinasagawang pagtulong ng Members, Church of God International (MCGI) sa mga nasalanta ng kalamidad at mga kapos palad.
Nitong Linggo, muling nagdaos ng medical, dental, optical at legal mission ang grupo sa Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City.
Taong 2009 nang salantain ng Bagyong Ondoy ang naturang lugar kung saan mahigit dalawang-daan ang namatay at maraming nasirang ari-arian.
Ayon kay Kapitan Crisel Beltran, malaki ang kanilang pasasalamat sa palagiang tulong na ibinibigay ng MCGI na pinangungunahan ni Bro. Eli Soriano at sa UNTV sa pangunguna ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon.
“Bawat request namin hindi kami napapahindian, saka hindi lang medical mission may optical mission din para-legal. Noong mga nakaraan may feeding program din.”
Nagpapasalamat rin ang mga residente sa Barangay Silangan sa mga libreng serbisyo na kanilang natanggap.
Ayon kay Ritchie Basuga, “Nagpapasalamat po ako, kung wala pong ganito hindi mabubunot ngipin ko.”
Hindi naman pinalampas ni Aling Juana Almanza ang pagkakataon na mapatingnan sa doktor ang may sakit na apo at makakuha ng libreng gamot.
Saad nito, “Nahihirapan siya sa pag-ubo, madikit plema niya kaya lumapit kami wala kami pangbili ng gamot.”
“Lahat dito ng papamedical pedia, adult, dental wala pong bayad libre gamot, libre bunot libre consultation,” pahayag naman ni Dr. Napoleon Borje na isang pediatrician. (UNTV News)