CALOOCAN CITY, Philippines — Naging pamantayan ng kompositor ng nanalong entry sa producer’s pick episode ng A Song of Praise o ASOP Music festival ang mga komentaryo ng regular na hurado nitong si Doktor Musiko Mon del Rosario.
Mahigpit itong sinunod ni Oliver Narag sa pag-aayos ng kanyang entry na “Kislap” matapos itong muling bigyan ng pagkakataong sumalang sa entablado ng ASOP.
Pahayag ni Oliver, “Opo, kasi talagang ‘pag siya po talaga talagang parang doktor talaga eh. Hihimay-himayin mula po talaga verse hanggang chorus kaya po dun po talaga ako nag-focus sa mga comment niya.”
Ayon sa interpreter nito na naging finalist ng ASOP Year 1 na si Jessa Mae Gabon na inenjoy lamang nya sa kanyang interpretasyon ang ganda ng areglo ng naturang awit.
Naging mahigpit ang naturang labanan dahil sa ganda maging ng dalawa pang wild card entries na “Ang Pag-Ibig Mo” ni ASOP Year 1 finalist Jaime Enriquez na inentrpret ni Bryan Olano at “Pag-Asa ng Buhay Ko” ni ASOP Year 2 finalist Juvic Anne Capistrano sa rendisyon naman ni Cath Loria.
Kapansin pansin sa komentaryo mga huradong sina Ito Rapadas, Lolita Carbon at Doktor Musiko Mon del Rosario na nahirapan sila sa pagpili ng mananalong entry.
Abangan sa monthly finals ng buwan ng Abril kung ang naturang awit ang papasok sa grand finals ng ASOP Year 3 sa Setyembre ngayong taon. (ADJES CARREON / UNTV News)