MANILA, Philippines — Naalarma ang publiko sa balitang isang Pinoy nurse ang nagpositibo sa Middle East Respiratory Syndrome-Corona virus (MERS-CoV) at nakauwi na ng Pilipinas mula sa Middle East.
Agad hinanap ng Department of Health ang kinaroroonan nito upang hindi na makahawa.
Subalit ng suriin siya ng Department of Health ay negatibo na ito sa MERS Corona Virus at upang makasiguro muling isinailalim sa isa pang eksaminasyon ngunit negatibo rin ang resulta.
Paliwanag ni Dr. Lyndon Lee Suy, program manager ng National Center for Disease Prevention and Control kung makalas ang resistensya ng isang tao ay kayang paglabanan ang virus.
Gaya ng nangyari sa pinoy nurse.
Ani Dr. Lee Suy, “Nawawala ang virus, ilalabas yun ng sistema mo. Pwede gumaling ang tao kung wala namang problema.”
Sa kabila ng negatibo na sa MERS Corona virus ang nasabing Pinoy nurse patuloy pa rin ang paghahanap ng DOH ang 174 sa mga pasaherong nakasakay ng Pinoy nurse sa Etihad Airways Flight EY 0424. Narito ang listahan ng DOH.
Ayon kay Dr. Lee Suy, na-expose ang Pinoy nurse sa MERS Corona virus noong April 6 at nang lumabas ang resulta na nagpositibo ito sa virus noong April 15 nakasakay na ito ng eroplano pauwi ng Pilipinas.
Sa loob ng walo hanggang siyam na oras ng kanilang biyahe hindi inaalis ng DOH ang posibilidad na may mga pasahero sa eroplano ang posibleng nahawa dahil sakop pa ito ng 14 days incubation period.
Ang infected na ng virus ay kakikitaan ng sintomas gaya ng lagnat, ubo at sipon na maaaring makahawa.
Ani Dr. Lee Suy, “Doon pwede umubo siya o suminga sa loob ng eroplano. Yung chance na ma-expose ang mga pasahero sa flight is there.”
Humingi na rin ng tulong ang DOH sa Philippine National Police upang ma-trace ang iba pang pasahero na hindi pa sumailalim sa swab test.
Ginawang batayan ng DOH ang umiiral na quarantine law upang hikayatin ang mga pasahero na magpasuri sa DOH upang mabatid kung infected na sila ng nakamamatay na virus.
Ginagamit na rin ng DOH ang database ng PAGIBIG, SSS, Philhealth at OFW card upang matukoy ang kinaroroonan ng mga ito.
Inilathala na rin ng ahensya sa mga pahayagan ang pangalan ng mga pasaherong nakasakay sa Etihad Flight EY 0424.
Sa mahigit isang daang pasahero na isinailalim na sa swab test lahat ay negatibo sa MERS Corona virus.
Lahat ng mga sumasailalim sa swab test ay kino-quarantine sa isang kuwarto upang hindi makahawa sakaling mag-positibo sila sa sakit.
Kung lumabas na positibo sila sa MERS Corona virus ay mga expert doctor ng DOH ang susuri at gagamot sa kanila.
Panawagan ni Dr. Lyndon Lee Suy, “Please to all the passangers of Etihad Airways Flight EY 0424 magpasuri na po tayo, libre po ito. May mga ospital po tayo sa mga probinsya, para na rin po sa inyong kaligtasan at sa inyong pamilya na hindi na mahawa pa.” (GRACE CASIN / UNTV News)