MANDALUYONG CITY, Philippines — Abala na ang mga tauhan ng MMDA sa pag-aayos upang maihanda ang mga ferry station sa muling pagbubukas nito sa publiko sa Lunes, Abril 28.
Operational ang ferry boat tuwing peak hours, simula 6am to 10pm at 4pm to 7pm subalit limang istasyon lang muna ang bubuksan ng MMDA.
Ang mga ito ay ang Pinagbuhatan, Guadalupe, PUP, Escolta at Plaza Mexico sa Intramuros.
Lima hanggang anim na ferry boat muna ang gagamitin sa pagsisimula ng biyahe.
May tatlong ruta ang ferry system, Pinagbuhatan-Guadalupe, Guadalupe-Escolta at Guadalupe-Plaza Mexico via PUP.
Magkakaroon ng tinatawag na regular ferry service na hihimpil sa bawat station sa Ilog Pasig. Mayroon ding express ferry service na bibiyahe ng diretso mula sa unang station sa Pasig hanggang sa huling station sa Intramuros.
Mayroong flat rate na 25 pesos ang regular ferry service habang 50 pesos naman ang pamasahe mula Pasig hanggang sa pinakahuling station sa Plaza Mexico sa Intramuros na umaabot ng labing pitong kilometro.
Nakahanda na rin ang mga ticket na gagamitin sa mga ferry station, color coded ang mga ito upang hindi magkaroon ng kalituhan.
Sa unang linggo ng operasyon ay libre muna ang sakay sa ferry at mamimigay din ng libreng kape sa mga sasakay.
Five knots o 10 km per hour lang ang takbo ng ferry noong isinagawa ang dry run, ngunit ayon kay Chairman Tolentino magiging mas mabilis ito nang 50% sa normal na operasyon.
Magkakaroon ng parehong 15 minutes na waiting time ang naturang ferry service at 4 round trips ang byahe kada araw.
Ngayong taon ay nakatakda ding buksan ng MMDA ang labing apat pang ferry station sa Ilog Pasig.
Maglalagay ang MMDA ng mga CCTV camera at bawat byahe ng ferry ay may kasamang security mula sa MMDA upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero.
Halos tatlong taon na ang nakalipas nang matigil ang operasyon ng ferry at ngayon ay bubuhaying muli ang naturang transportasyon upang matulungan ang ating mga kababayang maaaring maipit sa mabigat na daloy ng trapiko.
Layon din ng river bus ferry na palakasin ang turismo sa Metro Manila at maaari din itong magamit para sa disaster at rescue operations tuwing may kalamidad. (MON JOCSON / UNTV News)