Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all 18481 articles
Browse latest View live

Panawagan sa pagbibitiw sa tungkulin ni MIAA GM Honrado, hindi makatuwiran — Malacañang

$
0
0
Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado (UNTV News)

Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado (UNTV News)

MANILA, Philippines – Para sa Malacañang hindi makatwiran ang panawagan ng ilang mambabatas  na magbitiw sa tungkulin si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado.

Kaugnay ito ng shooting incident sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na ikinasawi ni Mayor Ukol Talumpa ng Labangan, Zamboanga at tatlong iba pa.

Ayon kay Presidential Communication and Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr., walang  batayan na pagbitiwin sa tungkulin si Honrado dahil hindi na-irecord sa CCTV ang pagpaslang  sa Labangan mayor.

Kinondena ng Malacañang ang pamamaril dahil nakukumpromiso umano ang kaligtasan ng mga mamamayan at pasahero ng eroplano. (UNTV News)


Visiting hours ni Napoles, pinalawig ngayong araw, bukas at sa bagong taon

$
0
0
FILE PHOTO: Si Janet Lim Napoles sa loob ng isang detention facility sa Fort Sto Domingo, Sta. Rosa, Laguna. (Philippine National Police)

FILE PHOTO: Si Janet Lim Napoles sa loob ng isang detention facility sa Fort Sto Domingo, Sta. Rosa, Laguna. (Philippine National Police)

MANILA, Philippines — Pinalawig ng Philippine National Police (PNP) ang visiting hours kay Janet Lim-Napoles sa Fort Santo Domingo sa Santa Rosa, Laguna.

Ayon kay PNP Spokesperson Reuben Sindac, makakasama ni Napoles ngayong araw, Martes ang kaniyang mga kaanak mula ala-1 ng hapon hanggang ala-1 ng madaling araw.

Ala-1 naman ng hapon hanggang alas-10 ng gabi ang kaniyang visiting hours sa December 25, 31 at sa January 1.

Muli namang ipinaalala ni Sindac na bawal magdala ng regalo at pagkain ang mga dadalaw kay Ginang Napoles

Samantala, lima hanggang walong miyembro ng pamilya lamang ang maaaring bumisita sa kaniya. (UNTV News)

PNP, umiikot sa mga barangay upang alamin kung sino ang madalas nagsasagawa ng indiscriminate firing

$
0
0
FILE PHOTO: Ang biktima ng ligaw na bala na si Stephanie Nicole Ella na isinugod sa East Avenue Medical Center sa pagsalubong ng 2013. (PHOTOVILLE International / Kenji Hasegawa)

FILE PHOTO: Ang biktima ng ligaw na bala na si Stephanie Nicole Ella na isinugod sa East Avenue Medical Center sa pagsalubong ng 2013. (PHOTOVILLE International / Kenji Hasegawa)

MANILA, Philippines — Aminado ang Philippine National Police na mahirap lutasin ang mga kaso ng tinatamaan ng ligaw na bala bunsod ng indiscriminate firing o walang habas na pagpapaputok ng baril.

Gayunpaman, bilang proactive move ay nililibot na ng mga pulis ang mga barangay simula ng pumasok ang Disyembre at inaalam ang mga mahilig magpaputok ng baril kapag may okasyon.

Ayon kay PNP-PIO Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, ang hakbang ay magsisilbing pampigil sa problema ng iligal na pagpapaputok ng baril ngayong holiday season.

Matatandaang nitong nakaraang pagsalubong ng bagong taon, tinamaan ng ligaw na bala at nasawi ang batang si Stephanie Nicole Ella ng Caloocan City.

Hanggang sa ngayon ay hindi pa naisasara ang naturang kaso.

Dahil dito, patuloy ang panawagan ng PNP sa publiko na makipagtulungan sa kanila upang mabilis na maresolba ang mga kaso tulad ng kaso ni Stephanie.  (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)

Malacañang, sang-ayon na ipagbawal ang pagsusuot ng sombrero sa mga mall

$
0
0

 

FILE PHOTO: Presidential Communication and Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr.  (UNTV News)

FILE PHOTO: Presidential Communication and Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr. (UNTV News)

 MANILA, Philippines — Suportado ng Malacañang ang bagong polisiya ng Philippine National Police -National Capital Region na ipagbawal ang pagsusuot ng sombrero sa loob ng mga mall.

Ayon kay Presidential Communication and Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr., malaking tulong sa pagtukoy ng mga salarin ang pagkakaroon ng closed-circuit television (CCTV), ngunit hindi naman umano magagarantiyahan ng anumang CCTV na mapigilan ang lahat ng krimen.

Katulad ng nangyari sa isang mall sa Quezon City na sinalakay ng Martilyo Gang na pawang naka-sombrero kaya nahirapan ang mga awtoridad na kilalanin ang mga suspek.

Kaya para sa palasyo, makatwiran ang hakbang na ito ng PNP na ipagbawal ang pagsusuot ng sombrero sa loob ng mga mall, upang madaling makilala ang mga masasamang loob. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)

Biktima ng hit and run sa Caloocan City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

$
0
0
Ang biktima ng hit-and-run na si Aireen Pueda habang tinutulungan ng UNTV News and Rescue Team. (UNTV News)

Ang biktima ng hit-and-run na si Aireen Pueda habang tinutulungan ng UNTV News and Rescue Team. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang isang babaeng biktima ng hit and run, alas-2 ng madaling araw ng Martes sa Caloocan City.

Naabutan pa ng rescuer ang sugatang biktima na nakahandusay at walang malay sa kahabaan ng EDSA corner D. Arellano Street.

Kinilala ang biktima na si Aireen Pueda, 22, isang security guard na nagtamo ng bali sa kanang hita at hiwa sa kanang daliri at tuhod.

Ayon sa imbestigasyon, sakay ng motor ang biktima nang masagi ito ng jeep. Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima at tumama sa nakaparadang jeep sa gilid ng kalsada.

Agad namang tumakas ang driver ng jeep na nakabangga sa biktima at hindi nakuha ang plaka ng sasakyan.

“In the figment, I notice that there was a spot of blood and initially the bgy. tanod told me that the victim could not stand at her own, help by the UNTV we are very thankful to the ambulance of UNTV to brought the victim immediately in the nearest hospital, in MCU,” pahayag ni SPO2 Virgilio Menina, Caloocan Police.

Muli naming nagpaalala ang pulisya sa mga motorista na doblehin ang pagiingat sa pagmamaneho lalo na ngayong holiday season na madalas ang aksidente.

Ani Menina, “sana kahit maluwag ang kalye, see to it na yung sasakyan nila ay wag matulin ang takbo para pagmay mga instances they have to avoid something in front maiiwas nila ang sasakyan nila.” (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)

Pagtitinda at paggamit ng paputok, ipinagbabawal na sa Zamboanga City

$
0
0
FILE PHOTO: Ang ilan sa mga ipinagbabawal na paputok na nakumpiska ng Philippine National Police-Firearms and Explosive Division. (JOHN DELIMA / Photoville International)

FILE PHOTO: Ang ilan sa mga ipinagbabawal na paputok na nakumpiska ng Philippine National Police-Firearms and Explosive Division. (JOHN DELIMA / Photoville International)

ZAMBOANGA CITY, Philippines — Sa bisa ng isang kautusan na inilabas ng city government ay tuluyan nang ipinagbabawal ang pagtitinda at paggamit ng paputok sa Zamboanga City.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), layunin ng kautusan na maiwasang magkaroon ng kalituhan sa panig ng mga awtoridad at sibilyan lalo na’t may mga lumalabas na ulat na umano’y panibagong banta sa seguridad ng probinsya.

Mahihirapan umano sila sa pag-identify kung ito’y mula lamang sa isang ordinaryong firecracker o mula sa isang baril.

Ayon kay SPO2 Alexander Mabalot, tagapagsalita ng PNP-Zamboanga, para din ito sa kapakanan ng mga mamamayan lalo na ang mga na-trauma noong nakaraang Zamboanga siege.

Maaari aniyang magbalik sa alaala ng mga ito ang nangyaring kaguluhan kapag nakakarinig sila ng maraming putok dahil sariwa pa ito sa kanilang isipan.

Ayon sa PNP, mahaharap sa kaukulang kaso ang sinomang lalabag at magtitinda pa rin ng paputok sa kabila ng umiiral na batas ukol dito.

Samantala, may mga miyembro naman ng bomb squad ang nag-iikot sa buong siyudad lalo na sa mga pier, paliparan at terminal upang maiwasan ang mga untoward incident na maaring maganap lalo na ngayong panahon ng bakasyon. (Dante Amento / Ruth Navales, UNTV News)

Pamilya ng batang nadamay sa NAIA 3 ambush, nananawagan ng tulong sa pamahalaan

$
0
0
Ang ina ng batang nadamay sa NAIA Terminal 3 ambush na si Philip Timothy Lirazan-Estoesta na nananawagan ng tulong mula sa pamahalaan. (UNTV News)

Ang ina ng batang nadamay sa NAIA Terminal 3 ambush na si Philip Timothy Lirazan-Estoesta na nananawagan ng tulong mula sa pamahalaan. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Nananawagan ng tulong sa pamahalaaan ang pamilya ng batang si Philip Timothy Lirazan-Estoesta o Tam-Tam na nadamay sa nangyaring ambush sa NAIA Terminal 3 noong Biyernes.

Ayon kay Marie Ann, ang nanay ng bata, sa ngayon ay kailangan nila ng tulong upang maiuwi sa kanilang probinsya ang labi ni Tam-Tam upang doon ilibing.

“Panawagan kosa gobyerno sana yung tulong na sinabi nyo sa amin sana matupad niyo, sana yung investigation ng mga pulis sana matapos na para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng anak ko,” saad nito.

Sa ngayon ay nasa ospital pa rin si Marie Anne at ang pamangkin nito na tinamaan rin ng bala at kasalukuyang nagpapagaling.

Nakatakda ring sumailalim sa operasyon si Marie Ann matapos tamaan ng bala ang kanyang kaliwang braso.

Una nang nagpahayag ng tulong ang pamahalaan sa mga biktima ng nangyaring ambush.

Subalit nais matiyak ng pamilya na hindi mapuputol ang tulong na ibibigay sa kanila para sa recovery ng mga ito pag-uwi sa probinsya.

Ayaw naman munang ipaalam ng pamilya kung saan nakaburol si Tam-Tam at kung saan namamalagi ang mga survivor.

Sa ngayon ay tanging hustisya ang sigaw ng pamilya Lirazan sa sinapit ni Tam-Tam. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)

Refund sa December bill ng mga consumer, handang isauli ng MERALCO

$
0
0
FILE PHOTO: MERALCO BILL (UNTV News)

FILE PHOTO: MERALCO Bill (UNTV News)

MANILA, Philippines – Nakahandang i-refund ng Manila Electric Company (MERALCO) ang ibinayad sa December bill ng mga consumer nito matapos maglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema sa power rate hike ng kumpanya.

Ito ay kahit walang sinasabi sa tro na i-refund ito.

Ayon kay MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga, nakapagrelease na sila ng bill ngayong Disyembre sa ilang consumer.

Dagdag pa nito, susunod sila sa anumang ipaguutos ng Korte Suprema hiinggil sa pansamantalang pagpapatigil ng power rate hike.

“Wala ng bill na lalabas at siguro magkakaroon kami ng pagkakataon na tignan yung nilalaman ng naturang order sapagkat hindi pa namin ito natatangap sa ngayon.”

Dagdag pa nito, “tatalima tayo sa naturang desisyon, tulad ng nabanggit ko magkakaroon ng linaw yan ‘pag natanggap naming.”

Epektibo ng 60 araw ang TRO na ipinalabas ng Korte Suprema at matapos nito ay paguusapan pa kung maaari na muling matuloy ang dagdag singil sa kuryente.

Walang sinasabi ang TRO na iligal ang ginawa ng Energy Regulatory Commission (ERC) at MERALCO, ang TRO ay tugon ng Korte Suprema sa petisyon ng ilang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Nakatakda naman ang oral arguments hinggil sa naturang isyu sa January 21 sa susunod na taon.

Sinabi naman ng MERALCO na habang nabibinbin ang power rate hike ay lalo lamang humahaba ang pagtitiis ng mga consumer nito.

Hindi din mababayaran ang mga power generators gaya ng WESM o Wholesale Electricity Spot Market dahil ang mga naturang bayarin ay pass thru charges lamang ng Meralco mula sa mga power generators.

Samantala, nagpahayag din si Bayan Muna Representative Congressman Neri Colmenares na dapat ay agad maibalik sa mga tao ang kanilang mga ibinayad ngayong Disyembre. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)


Suplay ng kuryente sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda, naibalik na ayon sa DOE

$
0
0
Halos higit isang buwan mula nang nanalasa ang bagyong si Yolanda, ay naibalik na ng Department of Energy ang kuryente sa mga bayan sa Visayas na naapektuhang lubha ayon sa kanilang report. November 30, 2013 File Photo by ROVIC BALUNSAY / Photoville International

Halos higit isang buwan mula nang nanalasa ang bagyong si Yolanda, naibalik na ng Department of Energy ang kuryente sa mga bayan sa Visayas na naapektuhang lubha ayon sa kanilang report. November 30, 2013 File Photo by ROVIC BALUNSAY / Photoville International

MANILA, Philippines – Kung mga power grid ang pag-uusapan, naibalik na ang suplay ng kuryente sa lahat ng mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Yolanda ayon sa Department of Energy (DOE).

Nakakonekta na rin ang mga electric cooperative o mga power distributor sa mga electric grid sa mga lugar na nasalanta ng bagyo.

Maging ang limang munisipalidad sa Eastern Samar ay nakabitan na ng kuryente simula pa kahapon, kabilang na ang bayan ng Lawaan, Guiuan, Balangiga, Quinapondan at Giporlos.

Subalit nilinaw ng DOE na bagama’t may suplay na ang mga power grid ay mayroon pa ring mga bayan at munisipalidad na walang kuryente.

Marami pa kasing mga poste ang nakatumba at hindi pa naisasaayos ang mga power lines.

Ayon sa DOE, hindi na nila problema ang mga ito dahil sagutin na ito ng mga Local Government Units o LGU’s.

Dagdag pa nito, kung hindi pa rin maayos ang electrical system ng isang bahay ay hindi pa rin ito makakabitan ng kuryente.

Ani Petilla, “Each one is responsible for the electrical system of their own home, kung di pa gawa ang electrical system mo, we can’t connect you.”

Ayon pa sa kalihim, kailangan rin ang certification mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at LGU bago makabitan ng kuryente.

“Bago makabitan ang mga bahay, the LGU and Bureau of Fire Protection will have to give a certification, kasi meron kaming pinailawan na iba medyo umusok kaya pinatay agad naming,” saad pa ni Petilla.

Matatandaan na nagbigay ng deadline hanggang December 24 si Energy Secretary Jericho Petilla upang maibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na nasalanta ng Bagyong Yolanda. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)

Iniwang patay ng Bagyong Yolanda, 6,155 na – NDRRMC

$
0
0

CASUALTIES

MANILA, Philippines – Umabot na sa 6,155 ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi dahil sa Bagyong Yolanda.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 1,785  pa rin ang nawawala, habang 25,626 naman ang mga nasugatan.

Nananatili naman sa mahigit P36-bilyong piso ang halaga ng pinsalang idinulot ng Super Typhoon Yolanda sa imprastraktura at agrikultura.

Samantala, pinagpapaliwanag ng Malacanang ang mga konsernadong ahensiya ng pamahalaan tungkol sa mahigit isang libong bangkay sa Tacloban na hindi pa naililibing pitong linggo makalipas na manalasa ang Bagyong Yolanda.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr., bumuo na sila ng task force upang tutukan ang proseso ng identification at paglilibing sa mga nasawi.

Nais ring mabatid ng Palasyo kung totoo ang ulat at dahilan kung bakit hindi pa naililibing ang mga bangkay na nasa mga body bag sa isang barangay na maaring magdulot ng sakit sa mamayan doon. (UNTV News)

Nabiktima ng paputok at ligaw na bala, umabot na sa 244 — DOH

$
0
0
FILE PHOTO: Ang isa sa mga naputukan nating mga kababayan na isinugod sa mga pampublikong pagamutan sa pagsalubong sa taong 2013. (PHOTOVILLE International)

FILE PHOTO: Ang isa sa mga naputukan nating mga kababayan na isinugod sa mga pampublikong pagamutan sa pagsalubong sa taong 2013. (PHOTOVILLE International)

MANILA, Philippines — Umabot na sa 244 ang naitalang firework-related injuries ng Departmant of Health (DOH).

Ayon kay DOH Assistant Secretary Doctor Eric Tayag, 238 dito ang naputukan kung saan pinakamarami ang biktima ng piccolo.

Isa ang nakalulon ng paputok at lima naman ang tinamaan ng ligaw na bala.

Ayon sa DOH, mas mataas ang bilang na ito kumpara sa 179 firework-related cases na naitala sa kaparehong panahon noong 2012.

Bukod dito, binabantayan din ng DOH ang kaso ng tetano at hika na sanhi ng pagkakalanghap ng usok ng mga paputok. (UNTV News)

Number coding sa MM, suspendido mula Dec. 30 – Jan. 1, 2014

$
0
0
FILE PHOTO: EDSA-Bagong Barrio Southbound (UNTV News)

FILE PHOTO: EDSA-Bagong Barrio Southbound (UNTV News)

MANILA, Philippines – Suspendido ang number coding scheme sa Metro Manila simula ngayong araw ng Luines hanggang sa Miyerkules, Enero 1, 2014.

Batay sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), lifted ang coding ngayong araw dahil sa Rizal Day na isang regular holiday.

Wala ring coding bukas, Martes hanggang January-1 upang bigyang daan ang mga motoristang gustong magbakasyon sa kanilang mga probinsiya.

Sa Huwebes, Enero 2 muling paiiralin ang number coding scheme. (UNTV News)

Mas mababang generation charge sa bill ng kuryente, posibleng asahan sa mga susunod na buwan – DOE

$
0
0
FILE PHOTO: Generation Charge row at a MERALCO billing statement (PHOTOVILLE International)

FILE PHOTO: Generation Charge row at a MERALCO billing statement (UNTV News)

MANILA, Philippines – Mas mababang generation charge sa bill ng kuryente ang maaaring bayaran ng mga consumer sa mga susunod na buwan.

Ito ay matapos ibaba sa kalahati ang presyo ng kuryenteng nabibili sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM.

Batay sa resolusyon ng Department of Energy (DOE), Energy Regulatory Commission (ERC) at Philippine Electricity Market Corporation, mananatiling mababa ang generation charge habang nakabinbin pa sa Supreme Court (SC) ang mahigit sa apat na piso kada kilowatt hour (kwh) na dagdag-singil ng MERALCO.

Mula sa P62.00 kada kwh, P32.00 na lang ang maximum na presyo ng kuryente na mabibili sa spot market.

Ngunit ayon sa MERALCO, hindi makakaapekto ang pinababang presyo ng kuryente sa nakabinbibing power rate hike dahil siningil na sila ng WESM noon pang Nobyembre. (UNTV News)

Mga tauhan ng PCG na magpapaputok sa bagong taon, tatanggalin sa serbisyo

$
0
0
FILE PHOTO: Philippine Coast Guard Commandant Rear Admiral Rodolfo Isorena (UNTV News)

FILE PHOTO: Philippine Coast Guard Commandant Rear Admiral Rodolfo Isorena (UNTV News)

MANILA, Philippines — Binalaan ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang mga tauhan sa pagpaputok ng baril sa pagsalubong sa bagong taon.

Sinabi ni Coast Guard Commandant Rear Admiral Rodolfo Isorena na tatanggalin sa serbisyo ang sinumang tauhan na mapatutunayang nagpaputok ng baril.

Umaasa si Isorena na tutupdin ng kanilang mga tauhan ang direktiba upang mapanatili ang magandang imahe ng ahensya. (UNTV News)

Kaso ng akyat bahay, tumataas tuwing holiday season – QCPD

$
0
0
Mga kaso ng Akyat-Bahay noong December 2012 ayon sa QCPD. (UNTV News)

Mga naitalang insidente ng akyat-bahay noong December 2012 ayon sa QCPD. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Muling nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga kababayan natin na aalis ng kanilang tahanan upang magbakasyon ngayong holiday season.

Ayon kay QCPD Deputy Director for Administration Sr. Supt. Joel Pagdilao, sa ganitong panahon tumataas ang bilang ng mga akyat bahay.

Base sa tala ng QCPD, noong December 2012 nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng akyat bahay ang QCPD na umabot sa 46 na kaso, at 18 pa lamang dito ang naresolba na.

Tiniyak naman ng pamunuan ng pulisya na magpapatrolya ang kanilang mga tauhan ngayong bagong taon. (UNTV News)


Dating F1 champion Michael Schumacher, kritikal matapos maaksidente

$
0
0
FILE PHOTO: Former F1 champion Michael Schumacher (REUTERS)

FILE PHOTO: Former F1 world champion Michael Schumacher (REUTERS)

Nasa kritikal na kondisyon pa rin ngayon ang seven-time Formula One World Champion na si Michael Schumacher.

Ayon sa kampo nito, nagkaroon ng severe cranial trauma at coma si Schumacher bunga ng aksidente sa kanyang skiing trip nitong weekend sa French alps.

Agad din itong isinailalim sa brain surgery nang dalhin sa university hospital center of Grenoble. (UNTV News)

Baril ng mga security guard, sinelyuhan na rin

$
0
0
Ang mga guard ng isang mall sa Quezon City na selyado na ang mga nguso ng baril bilang pagsunod ng kampanya ng PNP-SOSIA laban sa indiscriminate firing. Ang naturang mga selyo ay mananatili simula ngayong Lunes, December 03 hanggang sa Huwebes, January 02, 2013. (PHOTOVILLE International)

Ang mga guard ng isang mall sa Quezon City na selyado na ang mga nguso ng baril bilang pagsunod ng kampanya ng PNP-SOSIA laban sa indiscriminate firing. Ang naturang mga selyo ay mananatili simula ngayong Lunes, December 03 hanggang sa Huwebes, January 02, 2013. (PHOTOVILLE International)

MANILA, Philippines – Bukod sa mga baril ng mga pulis, sinelyuhan na rin ang baril ng mga security guard kaugnay ng kampanya laban sa indiscriminate firing sa pagsalubong sa bagong taon.

Sa Enero 2, Huwebes isasagawa ang inspeksyon sa mga sinelyuhang baril kung may natanggal na tape na indikasyon na pinaputok ito.

Ayon sa Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ng PNP, mahaharap sa kaso ng indiscriminate firing at kanselasyon ng lisensiya ang sinomang security guard na mahuhuling nagpaputok ng baril.

Sa kabila nito, nilinaw naman ni Senior Superintendent Dominador Tubon, hepe ng PNP SOSIA, kahit nakatape ang baril ng mga gwardiya ay maaari pa rin nila itong gamitin, depende sa sitwasyon at  kung hinihingi ng pagkakataon.

Bukod sa Metro Manila, inabisuhan na rin ang mga sangay ng PNP sa buong bansa na magsagawa ng muzzle sealing sa baril ng mga guwardiya sa kanilang nasasakupan.

Sa rekord ng SOSIA, nasa mahigit 550-libo ang security guard sa buong bansa.

Sa kabila ng mahigpit na kampanya laban sa indiscriminate firing, umabot na ngayon sa 12 ang bilang ng mga tinamaan ng ligaw na bala, at isang suspek pa lang ang hawak ng pulisya.

Apela ng PNP sa publiko, magbigay ng impormasyon kung sinu-sino sa kanilang lugar ang mahilig magpaputok ng baril.

Ayon sa pulisya, mahalaga ang maibibigay sa kanilang impormasyon upang madaling matunton ang mga may-ari ng baril na mahilig magpaputok sa isang lugar. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)

Fireworks ban, mahigpit pa ring ipinatutupad sa 3 barangay sa Makati City

$
0
0
Ang 3 barangay sa Makati na mahigpit na ipinatutupad ang fireworks ban ay ang barangay Bangkal, Magallanes at Pio Del Pilar. (UNTV News)

Ang 3 barangay sa Makati na mahigpit na ipinatutupad ang fireworks ban ay ang barangay Bangkal, Magallanes at Pio Del Pilar. (UNTV News)

MAKATI CITY, Philippines — Tatlong taon na ang nakalilipas nang ipatupad ang ban sa paggamit sa lahat ng uri ng paputok at pyrotechnic devices o pailaw sa tatlong barangay sa Makati City.

Ito ay dahil sa nangyaring gas leak sa isang condominium sa lungsod noong 2010.

Hanggang ngayon ay mahigpit pa rin ang ipinatutupad na fireworks ban sa tatlong barangay kabilang ang barangay Bangkal, Magallanes at Pio Del Pilar.

Ayon kay Barangay Bangkal Kagawad Christian Jacinto, maliban sa paputok ay pinagbabawal rin ang pagtitinda, pag-iimbak at pamamahagi ng anumang firecracker.

“Strictly bawal ang pagpapaputok kahit ang mga bata, pinupuntahan mismo at inaalam ng mga personnel ng peace and order at inaaksyunan. kinuukumpiska kung walang permit at kung bawal ang tinitinda nila.”

Ayon pa kay Jacinto, bagama’t maayos na ang pipeline ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC) sa West Tower Condominium, iniiwasan lamang umano ng barangay ang pagkakaroon ng sunog kaya’t mahigpit pa ring ipinapatupad ang fireworks ban sa lugar.

Ang mga mahuhuling nagpapaputok at nagbebenta nito ay papatawan ng kaukulang parusa.

“Nagawan ng paraan ng FPIC ang problema, hindi na ganun ka-kritikal ang naging kondisyon dito sa Bangkal,” saad pa ni Jacinto.

Samantala, ipinagbabawal naman sa buong lungsod ng Makati ang pagbebenta ng anumang uri ng paputok sa mga menor de edad o below 15 years old, base na rin sa ordinansa ng lungsod.

Ang mga lalabag dito ay pagmumultahin ng P1,000 o pagkakakulong ng hanggang labinglimang araw.

Alas-8 ngayong gabi ay magsisimulang mag-ikot ang Bangkal Fire Emergency Rescue Disaster Support, kasama ang mga taunahan ng BFP, Bantay Bayan, at UNTV News and Rescue Team upang mapanatili ang kaayusan ng pagdiriwang ng bagong taon. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)

Mga biktima ng stray bullet, 12 na – PNP

$
0
0
FILE PHOTO: Ang tinamaan ng stray bullet na si Stephanie Nicole Ella noong isang taon habang binibigyan ng kanyang tatay ng manually-operated respiration sa East Avenue Hospital. Sa huling tala ay may 12 biktima na ng tinamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa taong 2014. (UNTV News)

FILE PHOTO: Ang tinamaan ng stray bullet na si Stephanie Nicole Ella noong isang taon habang binibigyan ng kanyang tatay ng manually-operated respiration sa East Avenue Hospital. Sa huling tala ng Pambansang Pulisya nitong hapon ng Biyernes, Disyembre 31 ay may 12 biktima na ng tinamaan ng ligaw na bala sa pagsalubong sa taong 2014. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Philippine National Police o PNP na umakyat na sa labindalawa ang kumpirmadong biktima ng ligaw na bala ilang oras bago mag-bagong taon.

Ayon kay PNP Spokesperson Sr. Supt. Wilben Mayor, pinakamarami ang biktima ng stray bullet sa National Capital Region (NCR), dalawa sa Marikina at tig-isa sa Sampaloc at Taguig.

“Karamihan dito ay injured sa different part of their body,” saad ni Mayor.

Mga tinamaan ng ligaw na bala:

1. Roberto Mariano – Marikina City

2. Joseph Lopez – Tumana, Marikina

3. Francisco Salazar – Sampaloc, Maynila

4. Myra Medrano – Taguig City

5. Jay Abuniawan – Banate, Iloilo

6. Ginalyn Soncio – Polomolok, South Cotabato

7. Michael Epe – Polomolok, South Cotabato

8. Donna Padol – Iloilo City

9. Deo Tam-Og – Itogon, Benguet

10. Rommel Geroy – Naga City

11. Jestoni Obrador – Calatagan, Batangas

12. Ricardo Garbin – Taysan, Batangas

Samantala, kinumpirma rin ng pambansang pulisya na tatlong pulis ang kaagad na inalis sa puwesto dahil sa pagpapaputok ng baril.

Ang naturang mga pulis ay mula sa Camarines Sur, Iloilo at Southern Leyte na nakatalaga sa AIDSOTF sa Camp Crame kabilang dito si Police Chief Insp. Ricardo Cargullo, PO1 Raulito Carubia at PO3 Alexander Delos Reyes.

Kaugnay nito, nanawagan din ang PNP sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at itawag sa kanilang hotline number na 117 at maari rin sa cellphone number na 0917- 847-57-57 ang sino mang makikitang magpapaputok ng baril. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)

Mahigit dalawampung kaso ng mga naputukan, naitala sa Jose Reyes Memorial Medical Center

$
0
0
Jose Reyes Memorial Medical Center Facade (UNTV News)

Jose Reyes Memorial Medical Center Facade (UNTV News)

MANILA, Philippines – Hindi bababa sa dalawampu ang kaso ng mga naputukan na naitala sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ilang oras na lamang bago magpalit ng taon.

Karamihan sa mga naitalang kaso simula pa kahapon, Lunes ay bunga ng paggamit ng ipinagbabawal na paputok na piccolo.

Ayon kay JRMMC surgeon na si Dr. Emmanuel Tadifa, pinangangambahang mas tumaas pa ang bilang ng mga biktima ng paputok ngayong taon kumpara sa nakaraang taon.

Ito ay sa kabila ng mahigpit na kampanya ng Department of Health (DOH) na huwag gumamit ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon.

“Sa ganitong trend pa lamang nakikinita na namin na dadami pa po, we don’t know the reason despite all these na ginagawa ng DOH to deter using firecracker pero madami pa ding gumagamit,” saad ni Dr. Tadifa.

Umapela naman ang mga doktor na mas makakabuting huwag nang gumamit ng paputok upang makaiwas sa peligro at sakit ng ulo.

“We just want to tell everybody that having an injury is not a funny thing it’s a very painful thing,” pahayag pa ni Dr. Tadifa.

Samantala, nagpaalala naman ang mga doktor na sakaling magkaroon ng aksidente sa paggamit ng paputok ay iwasang mag-self medicate. Makabubuting dalhin agad sa pinakamalapit na ospital ang biktima upang masuri ng mga doktor.

Patuloy namang nakaantabay ang Jose Reyes Memorial Medical Center para sa mga mangangailangan ng atensyong medikal.(Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)

Viewing all 18481 articles
Browse latest View live