Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all 18481 articles
Browse latest View live

Pagpapalakas ng defense capabilities ng bansa, hindi naglalayon na pataasin ang tensyon sa West Philippine Sea — Pangulong Aquino

$
0
0

Makabagong kagamitang pandigma tulad ng fighter jets, combat ships at naval fleet ang ipinakita ngayong araw sa pagbubukas ng Asian Defence, Security and Crisis Management Exhibition and Conference kay Pangulong Benigno Aquino III sa Pasay city. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Mga makabagong kagamitang pandigma , magmula sa mga armas, fighter jets, naval fleet at combat ships, mga bagong teknolohiya mula sa 130 international companies  na nanggaling sa labing-anim na bansa ang ipinakita kanina kay Pangulong Benigno Aquino III sa pagbubukas ng Asian Defence, Security and Crisis Management Exhibition and Conference sa Pasay city.

Ito ay dinaluhan rin ng iba’t ibang security at defence agency ng iba’t ibang bansa kabilang ang ASEAN Member States.

Ayon kay Pangulong Aquino, ibig niyang masuri ang mga makabagong kagamitan na ito lalo na at may ginagawang modernisasyon sa hanay ng Armed Forces of the Philippines.

“If I may share, for the longest time, the state of our military’s equipment had been neglected. It reached a point where even lawless elements possessed superior equipment. This is precisely why, from day one, we have done everything in our power to give the AFP the support they need to perform their duties to the fullest of their capabilities—and to make sure that the risks they take in the battlefield are reduced to a bare minimum.”

Sinabi ng pangulo, sa nakalipas na apat na taon, mahigit apat na bilyong piso na ang nailaan ng pamahalaan para sa AFP modernization.

Nilinaw naman ni Pangulong Aquino na walang layon ang Pilipinas na pataasin ang tensyon sa West Philippine Sea dahil sa pagpapalakas ng defense capabilities ng bansa.

Ito ay kaugnay na rin sa disputed territory issue sa rehiyon at ginagawang pagangkin ng China sa halos malaking bahagi ng West Philippine Sea.

“Lest anyone accuse us of shifting to a more militaristic position, I must emphasize. Our efforts seek to modernize the capabilities of our security sector is to address the needs in human disaster response arenas and for our own internal defense. None of these actions are meant to increase tensions in the region; rather, they are meant to address our domestic problems and issues.”

Kauna-unahang ginanap sa Pilipinas ang ADAS dahil na rin sa interes ng pamahalaan na makakuha ng mga makabagong kagamitan at teknolohiya mula sa ibat-ibang bansa. (Nel Maribojoc, UNTV News)


VP Binay, pinuri ang mga lokal na pamahalaan sa mabungang paghahanda sa Bagyong Glenda

$
0
0

Vice President Jejomar Binay (UNTV News)

MANILA, Philippines — Maganda ang naging bunga ng disaster preparedness ng pamahalaan ayon kay Vice President Jejomar Binay.

Katunayan, agad naisalba ang maraming buhay sa pamamagitan ng pre-emptive evacuation na isinagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ito ang bahagi ng pahayag ng pangalawang pangulo sa isinagawang first National Cooperative Housing Summit sa lungsod Quezon ngayong araw, Huwebes.

“Di po maliit na dahilan ang ginawang paghahandang ginawa ng ating mga lokal na pamahalaan, ang iba’t ibang disaster readiness training, ang paglikas ng mga kababayan sa danger zones at pagaalis ng bahay sa mapanganib na lugar ay tunay na nagbunga,” bahagi ng talumpati ni Binay.

Kaugnay nito, naniniwala rin si Committee on Climate Change Chairperson Senador Loren Legarda na nag-improve ang paghahanda sa kalamidad ng pamahalaan matapos ang Bagyong Glenda.

“The level of disaster preparedness has evidently improved, from forecasting, early warning to evacuation of families in high-risk areas. Weather bulletins were given out regularly and warnings of storm surges were sent out early. The local government units heeded these advisories and did the right thing of enforcing evacuation of families living in coastal communities.”

Ngunit ayon sa senadora, maaari pang ma-improve at mapaiigting ang disaster preparedness ng pamahalaan. Aniya, hindi dapat na maging kuntento lang sa naging outcome sa halip ay dapat targetin ang zero casualty sa pamamagitan ng resources at political will sa kalamidad, kabilang dito ang paghahanda sa critical infrastructure gaya ng transmission lines, at community preparations. Halimbawa nito ang regular na pruning of trees, dredging ng mga kanal at esteros at garbage segregation scheme.

Sa paligid lamang aniya ng senado at PICC, makikita ang pagkabuwal ng mga matatagal ng puno bunga ng malakas na hangin dulot ng Bagyong Glenda na nanalasa sa Metro Manila. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)

PAGASA-DOST Weather Bulletin (5PM, July 17, 2014)

$
0
0

PAGASA-DOST Satellite Images (05:01PM – July 17, 2014)

Synopsis:

Southwest Monsoon affecting the western section of the Luzon. Meanwhile, at 4:00 PM today, a Tropical Depression (TD) outside the Philippine Area of Responsibility (PAR) was estimated based on all available data at 990 km east of Northern Mindanao (9.8°N, 135.4°E) with maximum sustained wind of 45 kph. It is forecast to remain almost stationary.

Forecast:

Metro Manila and the provinces of La Union, Benguet, Pangasinan, Bataan, Zambales, Palawan and Mindoro will have occasional rains. The rest of the country will be partly cloudy to cloudy skies with isolated rainshowers and thunderstorms.

Moderate to strong winds blowing from the southwest to south prevail over Luzon and its coastal waters will be moderate to rough. Elsewhere, light to moderate winds blowing from the south to southwest with slight to moderate seas. Coming from the southwest will prevail over the rest of the country with moderate to rough seas.

Forecast in Filipino

Ang Metro Manila at ang mga lalawigan ng La Union, Benguet, Pangasinan, Bataan, Zambales, Palawan at Mindoro ay magkakaroon ng mga paminsan-minsang pag-ulan. Ang nalalabing bahagi ng bansa ay magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap na may pulu-pulong mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.

Katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa timog-kanluran hanggang sa timog ang iiral sa Luzon at ang mga baybaying dagat nito at magiging katamtaman hanggang sa maalon. Sa ibang dako, mahina hanggang sa katamtamang hangin mula sa timog hanggang sa timog-kanluran na may banayad hanggang sa katamtamang pag-alon ng karagatan.

DFA: 3 Pilipino, kumpirmadong kasama sa pinabagsak na Malaysian Airlines Flight MH17

$
0
0

Emergencies Ministry members gather at the site of a Malaysia Airlines Boeing 777 plane crash near the settlement of Grabovo in the Donetsk region, July 17, 2014. REUTERS/Maxim Zmeyev

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang tatlong Pilipino sa 298 pasahero ng Boeing 777 ng Malaysia Airlines na pinabagsak umano sa border ng Russia at Ukraine.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose, mismong ang CEO ng Amsterdam Schiphol Airport ang nagkumpirma ng balita.

Sa ngayon ay hawak na ng DFA ang mga pangalan ng tatlo, subalit kailangan muna itong ipaalam sa pamilya ng mga nasawi.

“Upon the request of Malaysian Airlines, we will allow the airlines to notify the next of kin. If they are unable to do so and if they request our assistance, we will assist in notifying the family,” ani Jose.

Base sa impormasyong ibinigay ng DFA, mag-iina ang tatlong Pilipino na nakasama sa bumagsak na eroplano. Kinabibilangan ito ng isang middle-aged mother, na nakapag-asawa ng Indonesian, at dalawa nitong anak na babae at lalaki.

Nakabase sa The Netherlands sa Europe ang mag-iina at magbabakasyon lang sana sa Asya.

Dagdag ni Jose, tinututukan na ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur ang updates sa trahedya. Tiniyak din nitong handang tumulong ang pamahalaan sa pamilya ng mga biktima.

“Our embassy in Kula Lumpur and the hague are prepared to extend all necessary assistance to the families of the victims… especially if the next of kin would like to visit where the remains will be taken.”

Nagpaabot naman ang Malakanyang ng pakikiramay sa pamilya ng mga pasahero at crew ng MH17.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., kaisa sila ng international community sa mga nananawagan sa malalim at mabilis na pagsisiyasat sa sanhi ng trahedya.

Samantala, kinumpirma ni Jose na umiiral ngayon ang alert level 2 sa mga overseas Filipino worker sa Ukraine dahil sa tensyon na dulot ng sagupaan ng Russian militants at Ukrainians. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)

NFA, titiyaking hindi tataas ang presyo ng bigas sa mga nasa state of calamity

$
0
0

Ang mga iba’t ibang uri ng bigas na binebenta sa pamilihan sa iba’t ibang halaga. (UNTV News)

MANILA, Philippines — “Iimplementa ng NFA itong price freeze sa presyo ng bigas sa mga calamity stricken areas, yung mga lugar na nag-declare ng state of calamity.”

Ito ang tiniyak ni Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization Secretary Kiko Pangilinan, matapos na masira ang mga palayan sa mga bayan na tinamaan ng Bagyong Glenda .

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sa ngayon ay nasa ilalim pa rin ng state of calamity ang Albay, Camarines Sur, Naga City, Samar, Obando, Bulacan at Laguna.

Kaugnay nito, tiniyak ng kalihim na naaprubahan na ng NFA Council ang importasyon ng halos  dalawang daang metriko toneladang bigas bilang karagdagang suplay.

Ngunit ayon sa kalihim, muli silang hihiling ng karagdagang 200 metric tons na rice importation sa susunod na NFA Council meeting.

Ayon kay Sec. Pangilinan, tinatayayang nasa mahigit 80,000 metric tons ng bigas ang nasira ng Bagyong Glenda.

Tiniyak din ni NFA Chief Administrator Arthur Juan ang pakikipatulugan ng mga stakeholder sa patuloy na pagsusuplay ng NFA rice.

“This different group showed their support to Sec. Pangilinan and to NFA in terms of making NFA rice available especially during those critical times of July, August and September.”

Dagdag pa ni Juan, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga stakeholder upang mapanatili ang presyo ng NFA rice kung saan bente-siete pesos ang kada kilo ng regular milled habang thirty-two pesos naman ang kada kilo ng well milled.

Nangako din ang NFA Administrator na patuloy ang isasagawang nila monitoring upang masigurong maibibigay ang sapat at murang NFA rice sa publiko. (Joan Nano, UNTV News)

VP Binay, nirerespeto ang pahayag ni Pangulong Aquino ukol sa DAP

$
0
0
Vice-President Jejomar Binay (UNTV News)

Vice-President Jejomar Binay (UNTV News)

MANILA, Philippines — Nakapagsalita na si Pangulo, yun na yun.”Ito ang reaksyon ni Bise Presidente Jejomar Binay sa nationally televised speech ni Pangulong Aquino ukol sa DAP noong Lunes.

Hindi gaanong nagbigay ng komentaryo si Binay na isyu ng pinangangambahang constitutional crisis dahil sa hindi pagkakaunawaan ng pangulo at Supreme Court tungkol sa DAP.

Ngunit pabor ito na magkaroon ng full disclosure kung saan ginugol ang pondo sa DAP. Nanawagan rin ito na magkaroon ng independent audit sa DAP ng pamahalaang Aquino.

Ayon naman sa Malakañang, ang talumpati ni Pangulong Aquino, ay walang layon na magkaroon ng constitutional crisis, o magkaroon ng banggaan ang dalawang sangay ng gobyerno.

“Noong siya ay nagtalumpati, sinikap ng pangulo na maging magalang sa kaniyang pananalumpati. Sinabi niya ang kaniyang paniwala ang kinakailangan para maipahiwatig ang katuwiran ng pamahalaan sa paghingi ng rekonsiderasyon”, ani Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Jr.

Sinabi rin ni Coloma na posibleng ngayon ay magpa-file na ng motion for reconsideration sa Korte Suprema ang Malacañang. Nilinaw rin ng Malacañang na wala silang kinalaman sa hakbang ng kamara na silipin ang judiciary development fund.

“Wala naman pong agenda o layunin na gumanti o resbakan. Wala yan sa bokabularyo ng ating administrasyon.”

Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na kasama sa posibleng managot ang mga line agency kung mapatutunayang nagkaroon ng misuse sa mga pondong inilaan sa ilalim ng DAP.

“Lahat ng ahensya ng pamahalaan ay mayroong accountability sa pagtitiyak na yung mga pondo na dumaloy sa kanilang ahensya ay nagamit sa tamang at sumunod sa ginawang patakaran ng batas.” (Bryan De Paz, UNTV News)

Bagong party drug na tinatawag na “Green Apple”, kadalasang ibinibenta sa mga paaralan at unibersidad — NBI

$
0
0
Ang bagong party drug na kung tawagin ay “Green Apple” na hango ang pangalan sa kulay nito ay ang kadalasang binebenta ngayon sa mga paaralan at unibersidad na siyang replacement sa ecstacy at fly high. (UNTV News)

Ang bagong party drug na kung tawagin ay “Green Apple” na hango ang pangalan sa kulay nito ay ang kadalasang binebenta ngayon sa mga paaralan at unibersidad na siyang replacement sa ecstasy at fly high. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Tinutugis na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga dealer at user ng panibagong party drug na tinatawag na “Green Apple”.

Ang droga, na kinuha ang pangalan sa mismong kulay nito ay replacement sa ecstasy at fly high.

“Substitute nila ito, kasi putok na nga ang fly high. Bagong innovation ng drugs na naman ito na nanggaling pa sa Europe. Ang tawag nila green apples”, ani NBI Anti-drugs Unit Head Atty. Eric Isidro.

Ayon kay Isidro, ilan sa mga epekto ng green apple ay ang increased heart rate, paranoia, hallucinations, insomnia at disorientation.

Ginagamit rin ang droga bilang performance enhancer.

“Party pills. Gusto sumayaw, ayaw sa maliwanag. Gusto may kayakap, sexual urge enhanced, masaya sila. Ang bad side effects, nade-depress o nagkakaroon ng heart attack.”

Kadalasan umanong binibenta sa mga paaralan at unibersidad ang green apple drugs. Ang mga gumagamit nito, kinukuha ang kanilang supply sa online.

Paliwanag ni Isidoro, maraming sistema na ang  ginagawa sa ngayon  ng mga drug user sa pagbabayad. Isa na rito ang pag-iwas na magkaroon ng personal contact ang buyer at seller. Iiwan ang droga sa ilalim ng upuan o lamesa sa campus at saka ito kukunin ng buyer.

Ang ilan ginagamit ang money courrier o sa pamamagitan ng bitcoins.

“Bitcoins, parang load ba, pinapasa sayo, pero hindi mo malalaman kung sino nagpasa sayo. Mode of payment na walang money.”

Nakipag-ugnayan na ang NBI sa Philippine Drug Enforcement Agency at Dangerous Drugs Board upang masolusyonan ang problemang ito.

Ilang dealer at seller na rin ang nahuli ng NBI sa kanilang buy-bust operations.

Isa na rito ay ang bente-uno anyos na college dropout na si alias ‘Boy’ na umaming gumagamit at nagbebenta  ng green apple sa mga eskuwelahan sa Taft Avenue.

“200 kinikita ko. 1300 binibili, binibenta ko 1500” saad ni Boy.

Gayunpaman, ayon sa NBI, kailangang pang i-reclassify bilang isang iligal na droga ang naturang party drug.

Mahigpit namang ipinagbabawal sa Amerika at Europa ang Green Apple. (Bianca Dava, UNTV News)

Cebu City Council, lumikha ng Sister City Commission upang makatulong sa pagpapatayo sa bagong gusali ng Cebu City Medical Center

$
0
0

Tarpaulin ng imahe ng itatayong bagong gusali ng Cebu City Medical Center o CCMC sa Lungsod ng Cebu (UNTV News)

CEBU City, Philippines — Inaprubahan ng konseho ng Cebu City government ang pagbuo ng Cebu City Sister City Commission.

Pangunahing tungkulin ng komisyon ay ang panatilihin ang aktibong relasyon nito sa iba’t ibang lungsod dito sa Pilipinas maging sa ibang bansa

Ayon kay Antonio Cuenco, ang Chairman ng Sister City Commission, malaki ang maitutulong nito sa pagpapalitan ng mga ideya, teknolohiya at kultura.

Inaasahang malaki rin ang maitutulong nito upang makalikom ng sapat na pondo at donasyon upang mabilis na maitayong muli ang bagong Cebu City Medical Center o CCMC sa lungsod.

Matatandaang giniba ang lumang CCMC hospital matapos na masira ng nangyaring 7.2 magnitude na lindol noong nakaraang taon.

Sa ngayon umaabot na sa labing tatlo ang local sister city at umaabot na sa labing-anim ang mga international sister city ng Cebu. (Naomi Sorianosos, UNTV News)


Atty. Gigi Reyes, hindi rin nagpasok ng plea; Mosyon ng prosekusyon na suspendihin si Jinggoy Estrada bilang senador, kinatigan ng Sandiganbayan

$
0
0

Inaalalayan hanggang sa paglabas ng courtroom si Atty. Gigi Reyes matapos itong mabasahan ng sakdal sa Sandiganbayan kaninang umaga, araw ng Biyernes (UNTV News)

MANILA, Philippines — Tumangging magpasok ng plea ang dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile na si Atty. Gigi Reyes sa kasong plunder.

Naging emosyonal si Reyes habang binabasahan ng sakdal at hiniling nitong makaupo sa tabi ng kanyang abogado habang sinasagawa ang arraignment.

Nang matapos na ang pagbabasa ng sakdal kay Reyes, kinuhanan siya ng blood pressure ng doktor ng sandiganbayan dahil nakaramdam ito hng pagkahilo at nanghihina. 120/80 ang blood pressure ni Reyes at ayon sa doktor ay normal naman ito.

Sinabi ng abogado ni Reyes na si Atty. Anacleto Diaz, taliwas sa mga napapabalita, walang natatanggap na special treatment ang kanyang kliyente kahit may mga karamdaman ito.

“Kaya nga hindi kami humihingi ng special treatment eh. This is consistent with where she comforted herself. Right from day one, no special treatment. We only want the equal treatment”, saad ng abogada ni Reyes na si Atty. Anacleto Diaz.

Itinakda naman ang preliminary conference ni Reyes sa kasong plunder sa July 25, August 1 at 8.

Sa July 22 naman itinakda ng 3rd division ng Sandiganbayan ang pagdinig naman sa mosyon ng prosekusyon sa suspension ni Sen. Juan Ponce Enrile. Kanina sa pagdinig ng korte ay pinagbigyan pa ng pagkakataon ang depensa ni Enrile na makapagpasa ng kanilang oposisyon hanggang Lunes.

Samantala, kinatigan ng Sandiganbayan ang mosyon ng prosekusyon na suspindihin sa tungkulin si Senador Jinggoy Estrada na nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng PDAF scam.

Sa inilabas ng resolusyon ng 5th division ng Sandiganbayan, sinususpindi si Sen. Jinggoy Estrada sa loob ng 90 days o mahigit 3 buwan.

Kasama sa suspension ang mga benipisyo ni Estrada bilang senador.

Gayunpaman, hindi kaagad maipatutupad ang suspension ni Estrada kung i-aapela ito ng kampo ng senador.

“The suspension order is not really immediate. lt effective kasi it says there unless a motion for reconsideration is files by the accused so we are still given the opportunity to file our motion for reconsideration”, pahayag ni Atty. Alexis Abastillas-Suarez, abogado ni Estrada.

Maging sina Senator Juan Ponce Enrile at Bong Revilla Jr. ay naghain din ng motion for reconsideration sa hiling ng prosekusyon na suspendihin sila bilang mga senador dahil sa kanilang kasong plunder at graft.

Naka-pending pa sa dalawang division ng Sandiganbayan ang resolusyon kina Enrile at Revilla. (Joyce Balancio, UNTV News)

Dalawang biktima sa isang motorcycle accident sa Cebu city, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

$
0
0

Nilapatan ng UNTV News and Rescue Team ng paunang lunas ang isa sa mga biktimang nakasakay sa motorsiklo matapos mabangga ito sa isang sasakyan sa Cebu City nitong Hulyo 17, 2014. (UNTV News)

CEBU, Philippines — Hirap makatayo  si Jerson Omapao, 20 taong gulang nang mabangga ng minamaneho nitong motorsiklo  ang isang Crosswind na patawid sa intersection sa East Osmeña Avenue sa Cebu city alas kwatro y medya ng hapon nitong Hulyo 17, 2014.

Nasugatan din ang angkas nito na si Roger Saa ,tatlumpu’t tatlong gulang  matapos tumilapon dahil sa impact.

Sumiksik ang motor sa ilalim ng bumper ng Crosswind. Samantala, wala namang tinamong sugat ang mga lulan ng Crosswind.

Ayon sa salaysay ng mga nakakita sa aksidente, mabilis ang takbo ng motorsiklo kaya nabangga ang harapan ng patawid na sasakyan.

Agad na nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue Team ang mga biktima na nagtamo ng sugat sa mga binti at braso.

Agad na dinala ang mga biktima sa ospital upang matingnan ng mga doktor. (Naomi Sorianosos, UNTV News)

Presyo ng isda, posibleng tumaas sa mga susunod na araw

$
0
0

FILE PHOTO : Galunggong (UNTV News)

MANILA, Philippines — Pinangangambahang tumaas ang presyo ng isda sa susunod na ilang araw sa mga pamilihan sa Luzon.

Sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kaugnay ito ng pagkasira ng mga fishpen sa ilang bayan sa Luzon dahil sa pananalasa ng Bagyong Glenda.

Samantala , tiniyak ni BFAR Director Asis Perez na ligtas kainin ang mga bangus at tilapia na nakukuha sa mga ilog, tiyakin lamang na ito ay nalinis ng mabuti at buhay o hindi bilasa bago kainin. (UNTV News)

Mga Pilipino sa Gaza, sapilitan nang ipinalilikas dahil sa tumitinding kaguluhan

$
0
0

CREDIT: REUTERS/AMIR COHEN

MANILA, Philippines — Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 4 ang babala sa lahat ng mga Pilipinong naninirahan sa Gaza.

Bunsod ito sa ginagawang opensiba ng Israeli defense forces laban sa mga militanteng Hamas sa Gaza Strip.

Sa ilalim ng alert level 4, sapilitan nang pinalilikas ng gobyerno ang lahat ng mga Pilipino sa nasabing lugar.

Hindi na rin pinapayagan ang paglalakbay o ang pagtungo sa siyudad kahit ito ay para sa trabaho o iba pa.

Sa ilalim ng mandatory repatriation program, sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastusin para sa agarang pagpapalikas ng mga Pilipino doon. (UNTV News)

Voters registration para sa mga PWD, nagsimula na

$
0
0

Nagsimula na ng voter’s registration ng COMELEC para sa mga kababayan nating may kapansanan kahapon, araw ng Linggo, Hulyo 20, 2014 (UNTV News)

MANILA, Philippines — Nagsimula na kahapon, Linggo ang voter’s registration ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga may kapansanan kaalinsabay ng selebrasyon ng araw ng Persons with Disability (PWD).

Magkakasamang inikot nina Chairman Sixto Brillantes Jr., Commissioners Lucenito Tagle, Luie Guia at Al Parreno ang Quezon City at Manila Comelec Office upang personal na inspeksyunin ang itinakdang pagpaparehistro.

Bahagi ito ng pagpapatupad ng COMELEC ng batas na nagsasaad na dapat ikunsidera ang kalagayan ng mga may kapansanan at ang karapatang makaboto.

“Kagaya ng Senoir Citizen, PWD bulag, pipi, sinasamahan yan. May tinatawag tayong assistor, kung wala syang kasama, sinasamahan sya ng BEI at lumang-lumang batas nay an noong 1985. Hanggang ngayon sinusunod pa rin natin,” saad ni Brillantes.

Sa 2016 presidential elections, ipatutupad na ng COMELEC ang bagong batas na nag-aatas sa paglalagay ng accessible polling place para sa mga senior citizen at PWD.

Target ng COMELEC ang 120,000 na PWD sa bansa na makapagparehistro bilang botante.

Gayundin ang mga PWD na dati nang rehistrado subalit wala pang biometrics.

“Dati mahirap dahil hindi nila alam ang sistema, na pinapaakyat kami sa 2nd or 3rd floor pero lately kapag alam na PWD pinapupunta ka na sa ground floor so medyo okay nang kaunti,” pahayag ni Ret. Col Esmeraldo Romano Jr., PWD.

Hinikayat naman ng komisyon ang lahat at nilinaw na tuloy-tuloy pa rin ang nationwide voters registration hanggang October 2015.

“Kapag ganitong idle ang mga computer, sayang yung araw. Kapag may dumating PWDs dyan priority kagad sila,” saad ni Atty. Narciso Arabe, Manila 5th District Election Officer. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)

Motorcycle accident sa Mindanao Ave., nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team

$
0
0

Ang UNTV News and Rescue Team ay agad nirespondehan ang motorcycle accident na naganap sa Mindanao Avenue, QC kagabi, araw ng Linggo, Hulyo 20, 2014 (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang nangyaring motorcycle accident sa kahabaan ng Mindanao Avenue corner Road 20 Quezon City, pasado alas-11 kagabi, Linggo.

Sugatan ang rider na kinilalang si Joshua David Velasco, 31 anyos, matapos sumadsad ang minamanehong motorsiklo dahil sa basang kalsada bunsod ng pag-ulan.

Nagtamo naman ng minor injuries ang angkas nitong si Nicole Tiffany Velasco.

Agad na nilapatan ng paunang lunas ang driver na nagtamo ng bukol at mga gasgas sa kaliwang bahagi ng ulo at posibleng bali sa kaliwang hita.

Ang dalawa ay isinugod ng rescue team sa East Avenue Medical Center upang mas masuri ng doktor.

Ayon sa mga miyembro ng BPSO, agad silang humingi ng tulong nang makita ang sugatang mga biktima.

Nagpapatrolya sila nang makita nilang may mga tao sa lugar. Nang kanila itong lapitan, nakita nila ang mga sugatang biktima kaya’t agad silang humingi ng tulong.

“Nagtanong-tanong na rin kami bago kami nagpunta ng UNTV Rescue bago tumawag ng rescue ayon sa napagtanungan namin walang ibang involve na sasakyan wala siyang kabanggaan,” pahayag ni Anthony Villafania, BPSO ng Brgy. Toro, QC.

Tinawagan na rin ng News and Rescue Team ang mga kaanak ni Velasco upang alalayan sa ospital habang nagpapagaling. (Benedict Galazan / Ruth Navales, UNTV News)

Target na rice self-sufficiency, hindi naabot noong 2013; ngunit ani ng bansa, pinakamataas sa kasaysayan – DA

$
0
0

Isang magsasaka ang nagbubuhat ng isang sakong palay na kaniyangnagapas (UNTV News)

MANILA, Philippines — Noong 2013, itinakda ng Department of Agriculture (DA) na mararating ang  target na maging rice self-sufficient ang bansa  sa pamamagitan  ng 19 million metric tons ng palay ang kailangang maani.

Kapag narating ito maaring kumaunti na lang ang aangkating bigas o maaring hindi na mag-import.

Ngunit bago matapos ang 2013, naging malabo ang maisakatuparan ang target na ito ng kagawaran dahil binayo ang bansa ng sunod-sunod na kalamidad.

Ayon sa Department of Agriculture, napuruhan ang mga pangunahing taniman sa bansa ng mga bagyong nagdaan noong 2013 kaya’t hindi nito naabot ang target na rice self-sufficiency sa bansa.

“Nagsisimula palang po ang harvest ng Nueva Ecija. Tinamaan po siya ng bagyo eh. Alam naman po natin rice granary po ng bansa natin yung Central Luzon plus the later part of the year, tinamaan din po ng ilang pagbabaha yung Mindanao plus ito pong Kabisayaan ay hinagupit ng Bagyong Yolanda”, pahayag ni DA Secretary Proceso Alcala.

Sa kabila nito ay ipinagmalaki parin ng DA ang naging  produksyon ng palay sa bansa sa ilalim ng administrasyong Aquino.

“In 2010, ito po’y 82% lang ng sufficiency level natin at ngayon po’y naging 96 nga. Siguro naman po hindi siya ganon naging masama just after 3 years eh.”

Nito lamang Mayo ngayong taon ay inalis sa DA ang pangangasiwa sa 4 na malalaking ahensya nito.

Ang National Food Authority, Philippine Coconut Authority, National Irrigation Administration at Fertilizer and Pesticide Authority.

Itinalagang kalihim ang dating senador na si Francis Pangilinan bilang Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization (PAFSAM).

“Sabi ko nga po di po baga at mas maigi yung 2 kalabaw na kakayod sa ating magsasaka kaysa nag-iisa”, ani Alcala.

“I’m here to clean up this agencies”, saad ni PAFSAM Sec. Pangilinan.

Agad na sinalubong si Pangilinan ng pagtaas ng presyo ng bigas na naglalaro sa 40 pesos at ng pesteng Cocolisap sa mga puno ng niyog at prutas sa iba’t ibang taniman sa bansa. Maging sa biglaang pagtaas ng presyo ng bawang.

Isa sa iniimbestigahan ay kung mayroon bang nangyayaring manipulasyon sa supply at presyo ng bigas.

“Kung merong sabwatan, kung merong coalition, kung meron involve na mga NFA official, kinakailangan silang managot.”

Sa ngayon ay nagdagdag na ng importasyon ng bigas ang bansa samantalang naka-amba naman ang  pagkakaroon ng El Niño phenomenon.

Hanggang sa ngayon ay mababa parin  ang  water level sa Angat dam na pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila at nagsu-supply sa mga palayan sa Bulacan at  Pampanga.

“It terms of the usual impact of El Niño na less rains than normal. By October, makikita na yung impact”, wika ni Dr. Flaviniana Hilario ng PAGASA.

Problema rin ngayon ng industriya ng niyogan ang pagkalat ng peste na kung tawagin ay coconut scale insect o Cocolisap.

Pangamba ng ahensya na bagama’t maliliit lamang ito ay maaari naman lumumpo sa industriya ng niyog sa bansa.

“If we do not intervene, it can reach Bicol region and Zamboanga peninsula by the end of the year”, paliwanag ni Sec. Pangilinan. (Rey Pelayo, UNTV News)


Libu-libong motorcycle riders, nagsagawa ng protesta vs. ilang ordinansa sa Metro Manila

$
0
0

Ang protesta ng libu-libong motorcycle riders vs. ilang ordinansa sa Metro Manila. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Halos 7-libong motorcycle riders ang muling nagsagawa ng motorcade kahapon, Linggo, upang ipakita ang kanilang pagtutol sa ilang umiiral na regulasyon ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation and Communications (DOTC).

Sa pamamagitan ng busina at maiingay na makina ng mga motor, ito na ang ikatlong kilos protesta sa taong ito.

Nais din tutulan ng mga motorista ang panukalang plaka vest sa Quezon City kung saan kinakailangang magsuot ng vest na may printed plate number sa likod.

“Hindi ito ang sulosyon sa kriminalidad dahil ito ay magdadagdag lang ng panibagong problema. Magagamit pa ito ng mga kriminal upang iligaw yung mga humahanap sa kanila,” pahayag ni Oliver “Do Maxwell” Licup, National President ng Arangkada Riders Alliance.

Mariin din ang kanilang pagtanggi sa isinusulong na limited back ride sa Mandaluyong City, kung saan hanggang first degree lamang o immediate family lang ang maaring i-angkas sa motor.

“Paano ang mga girlfriend, papaano ang mga ka-opisina, mga kamag-anak o kaibigan. Marami ho dyan nagtatarabaho ang kasama nila co-messenger nila tapos ipagbabawal nila hanggang first degree. Hindi ho ito sumusunod sa ating saligang batas at bill of rights,” mariing pahayag ni Joebert Christian Bolanos, Presidente ng Motorcycle Rides Organization.

Mula sa EDSA-White Plains, umarangkada ang iba’t ibang grupo ng mga motorcycle rider at tinungo ang Eliptical Road sa lungsod ng Quezon.

Sa tapat ng city hall, sinunog ang isang mock vest na lumalarawan sa di-umano’y palpak na solusyon sa kriminalidad.

“Kung yan lang po ang inyong nalalaman para matapos ang mga krimen dito sa QC, hinahamon namin po kayo na magbitiw na lang kayo sa katungkulan ninyo,” ani Mohammad Hamsa, Presidente ng QC Motorcycle Riders Federation.

Police visibility na may sapat na armas, malalim na intelligence tactics at paggamit ng CCTV ang ibig makita ng libu-libong rider.

Nais din nilang linawin ang mga batas kung ano ang bawal at hindi bawal sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.

Isang signature campaign sa Quezon City ang ikinasa upang ipakita ang paglaban sa umano’y paninikil sa mga motorista. (Bernard Dadis / Ruth Navales, UNTV News)

24 barangay sa Zambales, wala pa ring supply ng kuryente

$
0
0

Ang district office ng Zambales I Electric Cooperative, Incorporated o ZAMECO I sa Iba. (UNTV News)

ZAMBALES, Philippines — Patuloy pa rin ang isinasagawang assesment ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Zambales dahil sa iniwang pinsala ng Bagyong Glenda nitong nakaraang linggo.

Sa inisyal na ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), wala pa ring kuryente sa 24 na barangay sa lalawigan kabilang ang Barangay Angeles, Antipolo, Burgos, East Dirita, Luna, Pundakit, San Miguel sa bayan ng San Antonio.

Wala ring kuryente sa Barangay Faranal, Sindol, Maloma at Apostol sa bayan ng San Felipe, Barangay Lucero at Burgos sa bayan ng San Marcelino.

Gayundin sa Barangay Omaya, Paite, Namatacan, Siminublan, Dalipawen at Beddeng sa bayan ng San Narciso; Barangay Loobbunga, Mambog, Porac at Baquilan sa bayan ng Botolan, at Barangay Gama sa Sta.Cruz.

Ayon sa ulat, mayroon pa ring mga poste na kailangang ayusin at palitan bunsod ng pananalasa ng Bagyong Glenda.

Bukod sa mga bayan na walang kuryente ay mayroon ring ina-anunsyong rotational brownout sa buong lalawigan.

Kaugnay nito, umabot sa sa P3,251,753 ang pinsala ng Bagyong Glenda sa mga pananim, habang P53,000 naman sa livestock batay sa inisyal na ulat. (Joshua Antonio / Ruth Navales, UNTV News)

 

Impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino, inihain na sa kamara

$
0
0

Iba’t ibang grupo ang nagsilbing complainant sa impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno Aquino III na inihain sa kamara kaugnay ng Disbursement Acceleration Program o DAP (UNTV News)

MANILA, Philippines — 27 grupo ang lumagda at nagsilbing complainant sa impeachment complaint na inihain sa kamara laban kay Pangulong Benigno Aquino III.

Ang reklamo ay kaugnay ng Disbursement Acceleration Program o DAP na ideneklarang unconstitutional ng Korte Suprema.

Ayon sa grupo, papasok sa culpable violation of the constitution at betrayal of public trust under Sec.  2, Article 11 ng 1987 Constitution ang paulit-ulit na paggamit ng administrasyon ng pondo ng DAP.

Ilan sa complainant ay ang Bagong Alyansang  Makabayan o BAYAN, Volunteers Against Crime and Corruption, Courage, Kilusang Mayo Uno, Migrante, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Whistle Blowers Association at iba’t iba pang people’s organization.

Inindorso naman nina Bayan Muna party-list representatives Neri Colmenares, Carlos Zatare at Anak Pawis Rep. Fernando Hicap ang impeachment complaint.

Ayon sa kanila, malinaw na inabuso ng pangulo ang kanyang kapangyarihan at binay-pass ang kongreso sa paggamit ng savings ng ibang departamento at inilaan sa umanoy mga  proyekto ng administrasyon.

“Binalwala ng Presidente Aquino ang batas ng kongreso kaya marami siguro na congressman ang titindigan ang kongreso at ang batas na pinasa nila at susuporta dito”, ani Colmenares.

Ang impeachment na ito ang tanging maituturing na valid complaint kumpara sa unang dalwang reklamong inihain nina Augusto Syjuco Jr. at Atty. Oliver Lozano na walang endorsement.

“Nasa rules natin bago tanggapin ng secetery general dapat ung complaint ay kasamang resolution of endorsement ng member ng HOR. Yung pinadala dito ni Cong. Syjuco, walang resolution of endorsement but we cannot accept something like that”, pahayag ni House of Representatives Secretary General Atty. Marilyn Baura-Yap.

Pagkatapos ng SONA, inaasahang ire-refer na ito sa House Committee on Justice gaya ng mga naunang impeachment complaint. Dito pag-aaralan kung ito ay sufficient in form, substance saka ipatatawag ng komite si Pangulong Aquino bilang respondent.

Pagkatapos nito, muling magbobotohan ang komite kung ito ay sufficient in grounds at kung may probable cause bago dalhin sa plenaryo.

Nangangailangan naman ito ng 1/3 o mahigit 90 boto ng mga kongresista at saka ito dadalhin sa senado na siyang magsisilbing impeachment court.

Ang mga senator judge naman ang magdedsisyon kung may sapat na ebidensya o basehan upang tanggaling sa pwesto ang  pangulo.

Tiniyak naman ni House Committee on Justice Chair Niel Tupas Jr. na ito ay dadaan sa tamang proseso base sa rules ng kongreso.

“I assure the public that this impeachment complaint will be given at most priority by the committee on justice.”

Ipinauubaya naman ng Malakañang sa kongreso na pag-aralan kung may basehan ang impeachment complaint laban sa presidente.

“We will defer on how to committee of justice to the house members if we make any statement as to conclusion then there will be implications to that so will rather let the house assess and using their own rules to assess the allegations of the complaint”, saad ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.

Bukas at sa susunod na araw, dalawa pang magkahiwalay na impeachment complaint ang ihahain sa kamara mula sa grupo ng mga kabataan at guro. Muli itong i-eendorso ng dalawang kongresista mula sa Makabayan block. (Grace Casin, UNTV News)

Suplay ng kuryente sa ilang bayan sa Camarines Sur, balik na sa normal

$
0
0
Camarines Sur, Bicol Region, Philippines (Google Maps)

Camarines Sur, Bicol Region, Philippines (Google Maps)

NAGA CITY, Philippines — Patuloy pa ring nakararanas ng mga pagbuhos ng ulan ang ilang bahagi ng Bicol Region kabilang na ang Naga City sa Camarines Sur.

Sa bayan ng Milaor, San Fernando, at Minalabac, may ilang barangay pa rin ang binabaha dahil na rin sa patuloy na pagbuhos ng ulan.

Ang ilang bayan sa probinsya ay nanatiling walang suplay ng kuryente dahil sa mga posteng nasira dulot ng pananalasa ng Bagyong Glenda, habang ang ilang barangay sa Naga City at Pili ay naibalik na ang suplay ng kuryente.

Ayon sa tagapagsalita ng Camarines Sur Electric Cooperative II (CASERECO), hindi pa sila makapagbigay ng takdang araw kung kailan maibabalik sa normal ang suplay ng kuryente sa mga lugar na nakakaranas pa rin ng brownout.

Samantala, naging patok naman sa ilang maliliit na negosyante ang paglalagay charging station sa kanilang mga tindahan.

Nagkakahalaga ng P20 hanggang P30 ang bayad sa kada full charge ng cellphone, habang dumoble naman ang presyo ng mga generator set.

Ayon sa mga store owner, hindi nila sinasamantala ang pagkakaroon ng sakuna sa kanilang lugar kundi sadya lamang umanong mataas ang demand ngayon ng genset kaya naoobliga silang kumuha pa sa Maynila upang matustusan ang pangangailangan ng mamimili. (Allan Manansala / Ruth Navales, UNTV News)

Mga empleyado ng hudikatura, nagprotesta upang ipahayag ang pagtutol sa umano’y panghihimasok ng Malakanyang

$
0
0

Ang mga empleyado ng hudikatura na nagprotesta upang ipahayag ang pagtutol
sa umano’y panghihimasok ng Malakanyang. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Isang tahimik na protesta ang isinagawa ng mga empleyado ng hudikatura bilang pagtutol sa umano’y panghihimasok at pambabraso sa kanila ng Malakanyang.

Nagsuot ng itim at pulang damit ang mga empleyado sa flag raising ceremony ng Korte Suprema na dinaluhan din ng mga mahistrado at ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

“Nakapula dahil makikipaglaban, nakaitim dahil nakakalungkot naman ang bayan natin,” pahayag ni Jojo Guerrero, Presidente ng Judiciary Employees Association.

Partikular na tinutulan ng mga empleyado ang pagbatikos ni Pangulong Aquino sa Korte Suprema kasunod ng desisyon na nagdedeklarang unconstitutional ang paggamit ng pondo sa ilalim ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

Ayon kay Guerrero, ang pagbatikos ng pangulo ay pag-atake sa hudikatura ng bansa.

“Kasi lumalabas na kinakampanya niya sa taong-bayan na wag kaming paniwalaan. Ito po ay isang panggagahasa sa babaing nakapiring. Mabuti na lang may espada na nakikipaglaban. ganyan po ang masasabi namin, itigil na ang panggagahasa,” dagdag nito.

Dapat umano na irespeto ng Malakanyang ang pagkakapantay-pantay ng tatlong sangay ng gobyerno.

“We are urging the Congress and the Malakanyang to uphold judicial independence and integrity, to respect the fiscal autonomy of the judiciary and to stop meddling with the internal or financial affairs of the judiciary,” pahayag ni Amiel De Vera, President ng Association of Court of Appeals Employees.

Tinutulan din ng mga empleyado ang panukalang tanggalin ang Judiciary Development Fund (JDF) na ayon sa ilang kongresista ay katumbas ng pork barrel ng mga mambabatas.

Isang panukalang batas ang inihain ni Iloilo Congressman Niel Tupaz Junior upang i-repeal at palitan ang Presidential Decree 1949 na basehan ng JDF.

Kapag naaprubahan, mapupunta sa treasury ang pondo ng JDF at ilalabas lamang kapag pinayagan ito ng Department of Budget and Management (DBM).

“Kung mawawala ang kapangyarihan o kontrol ng judiciary sa mga filing fees, mawawalan po ng saysay ang fiscal autonomy at yun po ay isa na rin pong paglabag sa ating Constitution,” pahayag ni Atty. Rene Enciso, Presidente ng Supreme Court Association of Lawyer-Employees, Inc.

Ayon pa sa mga empleyado, magtutuloy-tuloy ang kanilang tahimik na protesta hanggang sa SONA ni Pangulong Aquino sa darating na Lunes. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)

 

Viewing all 18481 articles
Browse latest View live