MANILA, Philippines – Hindi umubra ang House of Representatives Solons sa LGU Vanguards kahapon sa pagpapatuloy ng UNTV Cup season-2 sa Ynares Sports Arena, Linggo, May 04.
Sa kabila ng wala ang dalawang key players na sina Ervic Vijandre at San Juan Vice Mayor Francis Zamora, naipanalo pa rin ng Local Government Unit ang laban sa pamamagitan ng anim na puntos na kalamangan, 103 to 97.
Nagsilbing scoring machine ang reinforcement player na si Kiko Adriano na nagtala ng pinakamalaking record, 49 points, 17 rebounds, 11 assists and 4 steals.
Samantala, nagtulong-tulong naman ang mga pambato ng Solons. Cebu 3rd District Representative Gerard Gullas na nag-ambag ng 27 points, guest palyer Gerard Francisco (26 points) at 13 points bawat isa kina Representatives Scott Davies Lanete at Niel Tupas Jr.
“Gusto ko lang maging aggressive para at least madala lang yung team noh. Alam naman namin kung ano yung sitwasyon namin dito na baka matalo kami eh malamang ma-out na kami so laban pa rin,” pahayag ni LGU Vanguards Francis ‘Kiko’ Adriano, player of the game.
Sa second game, wagi ang Judiciary Magis kontra Senate Defenders, 79-71.
Maagang na-foul trouble ang Senado. Third quarter pa lamang ay tig-apat na foul na ang inaasahang si Kenneth Duremdes at ang shooting guard na si Samuel Marata na tuluyang grumaduate bago ang last period.
Ngunit hindi sumuko ang Senate Team at naibaba pa nito sa apat na puntos ang laban sa huling tatlong minuto.
“Medyo kinabahan kami noong huli dahil fouled out ako tapos si Kenneth nag-deliver at napag-isip isip namin na naku hindi na namin kelangan mag-relax. Buti nag-response yung mga teammates ko at naging aggressive sa depensa,” ani Capus.
Sa main event, tinalo ng PNP Responders ang AFP Cavaliers ng dalawang puntos sa huling 2 segundo ng laro, 71-69.
Sa unang 3 minuto, sunod-sunod na kumonekta ang PNP kung kaya nakuha nito ang 6 point lead na syang pinakamataas na abante sa buong laban, 58-52.
Subalit agad na bumawi ang AFP at lumamang ng tatlong puntos sa huling limang minute, 59-62.
Sa last two minutes, tabla uli sa 64. Nagpalitan ng score hanggang sa nakuha ng PNP ang panalo mula sa free throw line.
Tinanghal na player of the game si PO2 Ronald Abaya dahil sa kanyang mga sure shots na umabot sa 21 pts.
“Naka-tsamba uli kami at maganda talaga yung ipinakita ng bawat isa sa amin. Naging inspirasyon ko lang yung sistema na sinabi ng coach namin na ‘total kaya mong tumakbo eh takbo ka dahil yun talaga ang kailangan nating gawin na transition game’ sabi nya,” ani Abaya.
Sa ngayon ay nanatili pa rin sa itaas ng game standing ang PNP Responders sa unblemished record na 7 wins.
Sumusunod ang Judicary Magis na may kartang 5-1 at pumapangatlo ang AFP Cavaliers na may record na 4-2 panalo-talo. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)