MANILA, Philippines – Isang linggo matapos na bumisita sa bansa si United States President Barack Obama ay pormal nang inumpisahan nitong Lunes ang PHL-USA Balikatan Exercise 2014.
Ayon kay Armed Forces Chief of Staff, Lt. Gen. Emmanuel Bautista, 2,500 Amerikanong sundalo ang lalahok sa taunang military exercise habang 3,000 naman ang sundalong Pilipino.
Bukod sa mga sundalong Pilipino at Amerikano, kalahok din sa balikatan ang ilang sundalo ng Australia.
Sinabi pa nito na ang Balikatan ay naka-focus sa tactical military proficiency, counter terrorism programs, humanitarian at civic assistance at maging sa disaster response.
“The Philippines and United States are mutually guided by the principle of peaceful resolution of conflicts, we shall develop our collective capacity to meet any threat to undermine peace and security.”
Magsasagawa rin ng libreng medical, dental at veterinary care sa Legazpi City ang military medical personnel ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay Balikatan Support Group OIC, Major General John Rutherford, kasama rin sa kanilang aktibidad ang pagre-repair at pagtatayo ng mga school building at iba pang infrastructure sa Bicol, maritime surveillance systems demonstration, air movement demonstration, live fire, counter improvised explosives devices at mass casualty response, health engagement, urban search and rescue field training.
“Thus growing capability does not a threat to other nations but in fact promotes regional security,” dagdag pa ng heneral.
Binigyang diin naman ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na layon din ng Balikatan na palakasin ang maritime security ng bansa.
Aniya, “This exercises remains useful ang relevant for respective individual as well as collective needs as ally.”
Kabilang sa mga lugar na pagdarausan ng Balikatan Exercises ay ang Clark Air Base sa Pampanga, Crow Valley sa Tarlac, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Tacloban, Leyte, Puerto Princesa, Zambales at Cebu City.
Ang Balikatan Exercise ay magtatapos sa Mayo 16. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)