MANILA, Philippines — Tatanggalin na sa ilalim ng Department of Agriculture ang apat na ahensya na nasa ilalim nito.
Batay sa Executive Order No. 175 na nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Lunes-May 5, ililipat na sa ilalim ng Office of the President ang National Food Authority, National Irrigation Authority, Philippine Coconut Authority at Fertilizers and Pesticide Authority.
Ang hakbang na ito ni Pangulong aquino ay ibinatay sa 1987 administrative code.
Nakasaad rito na may kapangyarihan ang Pangulo na ire-organize ang administrative structure ng Office of the President.
Kasabay nito, nilagdaan na rin ng Pangulo ang Memorandum Order No. 70.
Isinasanaad dito ang magiging trabaho ni Secretary Francis “Kiko” Pangilinan bilang Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization.
Si Pangilinan ang pangunahing tututok sa implementasyon ng mga proyekto, polisiya at mga programa ng apat na inilipat na ahensya.
Nitong Martes ng hapon ay nanumpa na sa kaniyang bagong tungkulin sa pamahalaan ang dating senador sa Malakanyang.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr. ang pagkakatalaga kay Secretary Pangilinan ay walang kaugnayan sa mga isyung kinasangkutan ng Department of Agriculture at nananatili pa rin ang trust and confidence ng Pangulo kay DA Secretary Proceso Alcala.
Ayon naman kay Secretary Pangilinan, inatasan rin siya ng Pangulo na linisin sa korapsyon ang tututukan niyang mga ahensya.
“Ang sinabi ng ating Pangulo, I’m here to help to cleanup these agencies,” ani Sec. Pangilinan.
Dagdag pa ng bagong kalihim, susuporta at tutulungan rin niya ang pamahalaan upang lunasan ang problema sa kahirapan.
“Ano ang dapat nating gawin sa loob ng dalawang taon para mapababa pa ang presyo ng bigas ayusin ang ilang problema sa pag-imbak or import, look into importation policy on importation, pati usapin ng utang ng NFA na mahigit 170 Billion,” pahayag ng bagong talagang Presidential Assistant for Food Security & Agricultural Modernization.
Si Pangilinan ay naging Senador sa loob ng labindalawang taon at minsan na rin niyang pinamunuan ang Senate Committee on Agriculture and Food at Committee on Social Justice and Rural Development. (NEL MARIBOJOC, UNTV News)