Manila, Philippines (5/2/2014) – Muling nanalo ang host ng Ang Dating Daan na si Bro. Eli Soriano laban sa dalawang kasong isinampa ng ilang miyembro ng Iglesia ni Cristo. Naabsuwelto si Soriano sa unang kasong attempted murder na isinampa sa kanya kaugnay sa insidente noong ika-4 ng Setyembre taong 2001. Kasong libelo naman ang isinampa ni Dr. Nancy Pascua sa San Mateo, Rizal na kamakailan lamang ay napatunayang walang sala ang kilalang religious host.
Si Soriano, na mas kilala bilang Bro. Eli sa kanyang mga masugid na tagasubaybay at ng mga miyembro na kanyang inaakay sa Members Church of God International o MCGI [www.mcgi.org], ay kasalukuyang nangangaral sa iba’t-ibang panig ng mundo kung saan ang samahan ay binubuo ng iba’t-ibang mga lahi.
Sa walong pahinang desisiyon na nilagdaan ni Judge Josephine Zarate Fernandez ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 76 sa San Mateo Rizal napawalang-sala ang TV broadcaster na si Eliseo F. Soriano sa kasong libelo sa dahilang hindi nakitaan ng malisya ang kanyang naging pahayag laban sa nagsampa ng kaso. Ang dokumento ay nalagdaan noong ika-14 ng Enero taong 2014.
Ayon sa batas, ang pagkakaroon ng malisya ay isa sa apat na elemento na kinakailangang mapatunayan upang madiin ang nasasakdal sakaso. Ang tatlong elementong kinakailangang mapatunayan ay ang alegasyon ngpaninira laban sa iba, publikasyon ng kaso, pagkakakilanlan sa taong siniraan. Ang pang-apat ay pagkakaroon ng malisya sa pahayag na hindi naman napatunayan ng kaso.
Naisampa ang kasong libelo bilang Criminal Case No.5957 na may karampatang parusa sa Artikulo 355 ng Revised Penal Code. Ayon sa isinampang reklamo noong ika-pito ng Setyembre taong 2001 ay nagbitiw ng pahayag ang Ang Dating Daan lider ng “Sabi nila sa akin, baka quack doctor yon, kaya galit sa akin,” na hindi nagustuhan ng pinatutungkulan na si Dra. Nancy Nakpil Pascua na sya ring nagsampa ng kaso. Ang naturang insidente ay nangyari sa program ni Bro. Eli sa TV noong ito ay nasa SBN21 pa.
Napag-alaman na noong ika-4 ng Setyembre 2001, tatlong araw bago sabihin ni Soriano ang paninira diumano ay namataan si Pascua na kasama ng ilang miyembro ng Iglesia ni Cristo sa bahay ni Dr. Alberto Jimenez at ng asawa nito na kapwang miyembro ng organisasyong pinamumunuan ng akusado. Ang isa sa mga nakilalang kasama ni Pascua ay si Bernardo Santiago, ang dating kaanib sa samahan na itiniwalag ni Soriano dahil sa salang pangangalunya at lumipat sa Iglesia ni Cristo.
Natapos ang pagdinig sa kaso at hindi napatunayan ang ibinibintang na libelo laban kay Bro. Eli. Hindi nakitaan ng korte ng malisya ang mga pahayag ni Soriano patungkol kay Pascua.
Kamakailan lamang ay naabsuwelto din ang Ang Dating Daan host at ang ilang mga kasamahan sa programa sa kasong libelo na isinampa naman ni Ramil T. Parba bilang kinatawan ng grupong Iglesia ni Cristo. Kasama din sina Marianito Cayao at Bernardo Santiago ni Parba sa pagsasampa ng kaso. Ang kasong libelo na Criminal Case No. Q-05-136679 ay kaugnay sa ini-ereng programa ng Ang Dating Daan noong ika-21 ng Enero taong2005 kung saan nagbigay ng komento si Bro. Eli at mga kasamahan sa programa na“katayan” o “killing fields” ang kapilya ng Iglesia ni Cristo. Inari ng korte na walang sala si Bro. Eli at ang kanyang mga kasamahan dahil kanila lamang tinalakay ang dating kaso na People Vs. Abella [http://sc.judiciary.gov.ph/jurisprudence/2000/aug2000/127803.htm] na isang impormasyong pampubliko.
Napagalaman na sa tatlong kaso na isinampa kay Bro.Eli ay laging kasama si Bernardo Santiago bilang isa sa mga naghain ng reklamo. Matatandaang si Cayao at si Santiago ay kapwa tiwalag sa samahang Ang Dating Daan. (Robert Clarita Jr.)