MANILA, Philippines — Nagsimula na nitong umaga ng Miyerkules ang operasyon ng express train ng Metro Rail Transit line-3 na tatagal lamang ng dalawang linggo.
Alas-7 hanggang alas-9 ng umaga ang schedule ng biyahe ng express train sa north bound na magmumula sa North Avenue.
Salitan ang pagbiyahe ng express at regular train na nagbababa at nagsasakay sa lahat ng istasyon.
Ang mga express train ay magpi-pickup pa rin ng mga pasahero sa unang tatlong istasyon at dire-diretso na ang biyahe patungo sa Buendia, Ayala, Magallanes at Taft Station.
Mula sa North Avenue, ang unang MRT express ay magsasakay sa Quezon Avenue, ang pangalawa ay sa GMA-Kamuning station, at ang ikatlo ay sa Cubao at pare-parehong express na ang biyahe patungo sa huling apat na istasyon.
Ang mga nakapila sa North Avenue na bababa sa Santolan-Anapolis, Ortigas, Shaw Boulevard, Boni, at Guadalupe stations ay iho-hold muna sa ibaba ng MRT flatform para hintayin ang kasunod na regular train trip.
Magtatagal ang trial run hanggang Mayo 20.
Samantala sa Mayo 13 hanggang Mayo 20 ay susubukan ng MRT-3 administration ang southbound run kapag rush hour sa hapon mula ala-5 ng hapon hanggang ala-7 ng gabi.
Iba-iba naman ang naging reaksiyon ng mga pasahero ukol sa express train.
Ayon kay Mico Ramirez, bagama’t tanghali pa ang kanyang pasok sa trabaho ay maaga siyang umalis ng bahay upang masubukan kung gaano ka-epektibo ang naturang bagong serbisyo ng MRT.
“Wala pa kasi akong tiwala eh kaya sinigurado ko. Miski 12 o-clock pa ang pasok ko eh ngayon na ako pumasok,” pahayag nito.
Ayon naman kay Thelma Ferrer, “Mas ok yun lalo sa mga nagwo-work going to Ayala and Buendia.
Dagdag nito, “Mas ok para hindi crowdedsa MRT station.”
Ayon sa MRT administration, experimental pa lamang ito at matapos lamang ang dalawang linggo ay saka e-evaluate kung itutuloy ang express train scheme tuwing rush hour. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)