QUEZON CITY, Philippines — Rumesponde ang UNTV News and Rescue Team sa isang aksidente sa Quezon Avenue, Quezon City madaling araw nitong Miyerkules.
Ayon kay Orlan Empase na nakakita sa pangyayari, nabangga ng dump truck ang isang pampasaherong jeep na bumangga naman sa isang car dealer establishment.
“May biglang bumasag na malaking yung parang bumangga nung nakita ko sasakyan pala.”
“Biglang bumundol sa ano namin tapos ang jeep tumagilid,” pahayag naman ni Juanito Bohol, drayber ng jeep.
Nilapatan ng paunang lunas ang drayber ng dumptruck na kinilalang si Rito Zinampan na taga Karuhatan, Valenzuela.
Nakaidlip umano ito sa pagmamaneho kaya naaksidente.
“Lumapit agad ako sa kaniyang tapat (Zinampan) baka kako naipit siya. Nung tinanong ko bakit nawalan ng preno? Hindi ho, nakatulog ako,” pahayag ni Bayani Cordero na nakasaksi rin sa aksidente.
Wasak ang harapan ng dumptruck, gayundin ang salamin ng isang car dealer shop at ang nakadisplay na sasakyan sa loob nito.
Nayupi naman ang likuran ng jeep na unang nabangga ng dump truck.
Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team at MMDA Rescue ang mga pasahero ng jeep na nagtamo ng minor injuries.
Matapos malapatan ng paunang lunas ang mga biktima ay dinala ito sa East Avenue Medical Center. (UNTV News)