MANILA, Philippines - Itinuturing ng Manila Electric Company (MERALCO) ang buwan ng Mayo na may pinakamataas na pagkonsumo ng kuryent dahil ito ang may pinakamainit na panahon tuwing summer.
Ngunit imbes na tumaas ang singil sa kuryente, bababa ito ng singko sentimos bawat kilowatt hour (kWh) o katumbas ng sampung piso sa monthly electric bill ng isang pamilya.
Ayon sa tagapagsalita ng MERALCO, bunga ito ng bahagyang pagbaba sa transmission charge, system loss charge at mababang bilang ng mga customer na nag-avail ng kanilang lifeline subsidy.
Nakatulong ang ginawang paghahanda ng MERALCO sa pakikipag-ugnayan sa Department of Energy (DOE) at iba pang ahensya upang matugunan ang pangangailangan sa mataas na demand ng kuryente ngayong tag-araw.
Isa dito ay ang pagbabawas ng MERALCO ng pagbili sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) mula 3.9% noong buwan ng Marso ay naging 3.4% na lang noong buwan ng Abril.
“Sa buwan ng Abril, kung saan nakikita natin ang epekto ngayong bills ng Mayo, nabawasan po natin ang kinakailangang kunin mula sa Wholesale Electricity Spot Market,” pahayag ni Larry Fernandez, ang Utility Economics Head ng MERALCO.
Isa ring dahilan ang agarang pagbabalik ng operasyon sa planta na Ilijan 1 ng sumailalim sa maintenance outage.
Samantala, patuloy naman ang panawagan ng MERALCO sa publiko na patuloy pa ring magtipid sa konsumo ng kuryente. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)