MANILA, Philippines — Nagbabala si Pangulong Benigno Aquino the III laban sa mga taong ang layunin ay guluhin ang imbestigasyon sa pork barrel scam.
Ayon sa Pangulo, kailangang mag-ingat dahil maaaring sadya lamang ginugulo at pinalalabo ang imbestigasyon sa pork barrel scam upang mailihis ang taumbayan.
“Ikaw ba ay tutulong maglinaw sa usaping ito o ang habol mo lang paguluhin? Para dahil kaka-explore natin ‘nung lahat ng akusasyon, kakaimbestiga, gusto nilang ma-time out na ako para wala nang maisampa ‘yung kaso. So syempre kailangan mag-ingat tayo diyan.”
Ayon sa Pangulo, ang mahalaga sa ngayon ay mailabas na ang pirmadong testimonya ni Janet Lim Napoles upang malaman na ang katotohanan.
“Baka naman six months from now lahat ng wala sa listahan ngayon ay nasa listahan na at ‘yung nandyan ay babawiin naman niya? So importante makuha natin ‘yung kanyang testimonya na makakatulong malaman ‘yung katotohanan imbes na kung saan-saan tayo dinadala… Baka gusto nila tayong mahilo at mawindang at hindi tayo papayag ‘non,” saad pa ng Pangulo.
Samantala, inihayag rin ni Pangulong Aquino na nananatili pa rin ang kanyang tiwala kay Budget Secretary Florencio ‘Butch’ Abad, Agriculture Secretary Proceso Alcala at TESDA Director General Joel Villanueva na pawang isinasangkot sa pork barrel scam. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)