MANILA, Philippines — Sa unang tingin ay tila kaguluhan at pagkakabaha-bahagi ang dala sa mga Pilipino ng pork barrel scam.
Ngunit naniniwala ang kilalang propesor at ekonomista na si Leonor Briones na ikabubuti ng bansa ang nabunyag na anomalya sa paggugol ng perang nagmumula sa kaban ng bayan.
Ayon sa kanya, umpisa ito ng tunay na pagbabago at paglilinis sa ating pamahalaan.
“Makakabuti ito sa governance kasi nakikita na ng taong-bayan kung gaano kalaganap, kung gaano kalalim ang evil na ito, ang tungkol sa pork barrel. Nakikita na nila kailangan talaga comprehensive reforms, hindi lamang na magsasabi sila na promise promise hindi na nila gagawin, ay pangkalahatang reporma na. Kasi halatang-halata saka maliwanag na maliwanag na ito ay bahagi lamang ng pangkalahatang problema ng ating gobyerno at saka sa governance.”
Bukod dito, leksyon din umano ang anomalya na dapat matutunan ng mga Pilipino lalo na pagdating sa pagpili ng mga lider na iniluluklok sa pwesto.
Aniya, “Ito ay leksyon din ng taong-bayan kasi binoto nila, pili nila itong mga ito, binili sila, binenta nila yung boto nila. Ngayon nakikita na nila na itong lahat ng mga nangyayari bumabalikwas din sa kanila kasi at the end of the day taong-bayan din ang nagbabayad, tayo din ang nagbabayad dahil galing sa ating buwis yung pera na ninakaw.”
Ayon pa kay Briones, dapat maging batayan ng mga Pilipino sa darating na halalan sa 2016 ang leksyon ng pork barrel scam.
Babala nito, kapag hindi pa rin natuto ang mga Pilipino, posibleng tuluyan nang bumagsak ang mga institusyon ng ating pamahalaan.
“Kung hindi pa rin tayo dala at saka sila pa rin ang iboboto natin, magpapabili pa rin tayo ng boto natin, ay talagang siguro mawawalan na tayo ng pag-asa. Yun ang magbabagsak ng ating mga institusyon kung pale-paleho din ang maglalabasan. Pero ito opportunity ito na i-push ito ng citizens, i-push ito ng media na talagang linisin ang ating pamahalaan.” (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)