MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Justice Secretary Leila De Lima ang pagnanais ni Janet Lim Napoles na maging state witness laban sa mga sangkot sa pork barrel scam.
Ayon sa kalihim, kasabay ng pagsusumite ng initial affidavit nitong Martes, ipinahayag na rin ng umanoy utak ng pork barrel scam ang pagnanais na magkaroon ng immunity from suit.
Gayunpaman, sinabi ni De Lima na hindi nakatuon ang DOJ na maging state witness si Napoles kundi sa evaluation at vetting process o pagberipika kung may katotohanan at kredibilidad ang kanyang testimonya.
Dapat ding alamin kung may basehan at kung sinusuportahan ng ebidensya ang mga pahayag ni Napoles.
“Secondary na lang yan kasi ang focus, first things first is the vetting of the veracity, the credibility of the story of Mrs. Napoles and even the credibility of Mrs. Napoles herself. Yun ang magiging focus namin. Secondary na lang yung determination of a possible state witness.”
Tutol naman ang wistleblower na si Benhur Luy na maging state witness si Napoles.
Ayon sa text message ni Atty. Raji Mendoza, abugado ni Luy, kwestyunable ang kredibilidad ni Napoles dahil sa kanyang pagsisinungaling sa Senado.
Samantala, hindi pa tiyak ni De Lima kung magsasagawa ito ng kinakailangang rekomendasyon sa Ombudsman o hindi na sa hiling ni Napoles.
“I’m not sure at this point kung we will be able to make an appropriate recommendation to the Ombudsman. My choice is either I also make my own determination but recommendatory only to the Ombudsman or I will refrain from doing that recommendation but instead just refer the matter to the Ombudsman para mag desisyon na lang ang Ombudsman.” (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)