MANILA, Philippines — Kapwa itinanggi nina Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel III at JV Ejercito na nagkaroon sila ng transaksyon sa mga pekeng NGO ni Janet Lim-Napoles.
Kasunod ito ng pagsusumite ni DOJ Secretary Leila De Lima ng listahang pirmado ni Napoles ng mga mambabatas at opisyal ng pamahalaan na umano’y sangko’t sa PDAF scam.
Ayon kay Pimentel, hindi notaryado ang naturang listahan kahit may lagda pa ni Napoles.
Giit ng senador, handa niyang pasinungalingan ang mga paratang ni Napoles.
“I am confident na pagdating sa aking pangalan sorry na lang sya at ako’y handang ipakita na sya po ay nagsisinungaling.”
Dagdag pa nito, “Handa akong i-demolish ang mga kwento nya lalo na kung mag-iimbento sya.”
Nais rin ni Pimentel na magkaroon muli ng pagdinig kaugnay sa naturang isyu upang makilatis ang mga bagong akusayson ni Napoles kalakip ang mga dokumento nito.
Ngunit ayon kay Pimentel, malinaw na lumalabag sa batas si Napoles.
“Kung sa Senate Blue Ribbon yan perjury na yan giving a false testimony in a legislative hearing pero ang punishment nyan napakaliit compare sa plunder.”
Itinanggi rin ni Seador JV Ejercito ang pagkakasangkot sa anomalya.
Sa ipinadalang pahayag ng senador, sinabi nitong hindi nya personal na nakilala si Napoles.
Aniya, “Wala. Gulat. Kasi di ko naman kilala si Napoles talaga… di naman ako up for the election.”
Una nang itinanggi nina Senador Sonny Angara at Chiz Escudero na nagkaroon din sila ng transaksyon kay Napoles habang wala pa namang opisyal na pahayag ang kampo ni Senate Majority Leader Allan Peter Cayetano ukol sa Napo-list. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)