QUEZON CITY, Philippines — Anim na menor de edad ang nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang gay bar sa Quezon City matapos ang isinagawang entrapment operation.
Ayon kay NBI Anti-Human Trafficking Division Atty. Dante Bonoan, isang linggo na nilang minamanmanan ang naturang gay bar dahil sa natangap na impormasyon na may mga kabataang biktima ng prostitusyon.
Sa anim na biktima na nailigtas, lima dito ang lalake na may edad sampu hanggang labing apat.
“Itong raid na ito is kampanya natin sa human trafficking ano, kakaiba ito kasi ito’y isang gaybar ito … dito mga biktima natin mga lalake,” ani Bonoan.
“Child abuse ang ginagawa nila kasi pinapayagan na nila na kahit anong nakikita ng mga bata na yung mga nagsasayaw diyan o kung anuman ay hindi karapatdapat sa mga kabataan na ganyan,” pahayag naman ni QC-SSDD Social Welfare Officer Salve Cion.
Inihahanda na ng mga otoridad ang kaso laban sa may-ari ng sinalakay na gay bar dahil sa paglabag sa anti-human trafficking act at child abuse.
Posible namang maharap din sa ilang kaso ang mga mapatutunayang customer nito. (Jerico Albano / Ruth Navales, UNTV News)