MANILA, Philippines — Kasunod ng pagpirma sa kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong nakaraang Marso, sinertipikahan ni Pangulong Aquino bilang urgent at priority ang Bangsamoro Basic Law.
Ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito naiendorso sa Kongreso.
Mahigit isang buwan nang nirerebisa ng Malakanyang ang draft ng basic law na isinumite ng Bangsamoro Transition Commission.
Ang Bangsamoro Basic Law ang magiging batayan sa pagpapatupad ng kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
Ayon sa kilalang constitutional law expert na si Attorney Alan Paguia, posibleng isyu ng legalidad ang isa sa mga dahilan kung bakit naaantala ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law.
Naniniwala si Paguia na labag sa saligang-batas ang Bangsamoro agreement at ang basic law nito dahil hinahati nito ang soberanya ng Pilipinas.
“Unconstitutional talaga yan eh. Because it divides the indivisible element of sovereignty. Hindi maikakaila sa ilalim nitong Bangsamoro Law, yung Bangsamoro government will exercise certai sovereign powers.”
Hinala ng abogado, may ilang mambabatas na bagama’t kaalyado ng administrasyon ay hindi sang-ayon sa nilalaman ng naturang batas.
“Gusto kong maniwala na kaya nagkakatagalan dahil may isa, dalawa, tatlo o sampung matitinong mambabatas na nauunawaan na yung elemento ng soberanya sa isang republika ay hindi maaaring hatiin o ipamahagi,” saad ni Paguia.
Isa rin sa nakikitang problema ni Paguia ang Tripoli agreement o ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Hindi umano ito maaaring basta na lamang ibalewala ng Malakanyang.
Kahit pa sabihing humantong sa kabiguan ang kasunduan sa MNLF, hindi umano ito dahilan upang isantabi ito at gumawa ng panibago.
“Hindi dahilan yun dahil walang dahilan para hindi ipatupad yung hindi naman nabubuwag na agreement ng Tripoli. Kung mabubuwag man yung agreement na yun, kailangan papirmahin yung mga pumirma dati, MNLF tapos yung mga nag sponsor.”
Sinabi pa ni Paguia na kahit pa sabihin na magiging daan sa kapayapaan at kaunlaran sa ARMM ang Bangsamoro, nananatili ang katotohanan na hindi maaaring hatiin ang soberanya ng Republika ng Pilipinas at makisalo dito ang Bangsamoro government. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)