MANILA, Philippines – Magpapatuloy pa rin sa paglikha ng mga panukalang batas sina Senador Jinggoy Estrada, Sen. Juan Ponce Enrile, at Sen. Bong Revilla Jr kahit pa makulong ang mga ito.
Matapos ang privilege speech ni Senator Jinggoy kahapon kung saan nangakong kusang susuko sa sandaling lumabas ang kanilang warrant of arrest, sinabi nito na magpapatuloy sya sa kanyang tungkulin bilang mambabatas.
“Yes I still work, kaya lang kapag sinuspinde kami, I cannot file any bills kasi suspended nga, so kung hindi kami masuspinde, I’ll keep on filing bills at gagawin ko pa rin ang trabaho ko bilang isang senador,” pahayag nito.
Si Senador Revilla naman na naunang nag-talumpati noong Lunes, handa na ring makulong.
Aniya, hindi na dapat pagtagalin pa ang pag-aresto sa kanila.
Saanmang dibisyon ng Sandiganbayan mapunta, ang importante ay umusad na ang pagdinig.
Hiling lamang umano ni Revilla na sana’y bantayan ng taumbayan ang takbo ng kanilang kaso at naniniwala siyang lalabas ang katotohanan.
“Nakikita ko nagsasakripisyo ang pamilya ko, yun ang masakit. Kaya habang dine-delay nila parang ginagalit lang nila yung mga tao eh para mas magalit sa amin. Sabi ko lang ano man ang gusto nila, gawin na nila ngayon na,” pahayag ni Revilla.
Si Senador Enrile na hindi na nag-privilege speech, sa husgado na lamang magpapahayag ng panig.
Sinabi rin nito na magpapatuloy siya sa pag-akda ng mga batas at libro para sa bansa.
“Siyempre miski na andun ako sa kulungan pwede akong magsusulat, And I’ll write probably another book,” saad ng senador.
Samantala, ipinahayag ni Senate President Franklyn Drilon na magpapatuloy pa rin ang function ng mga kumiteng hinahawakan ng tatlong senador kahit pa sila’y maaresto.
Ibibigay sa committee vice chair ang pamumuno upang matalakay ang mga bill na sakop nito. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)
↧
3 senador na sangkot sa PDAF scam, nakahanda pa ring magsulat ng mga panukalang batas kahit nakakulong na
↧