MANILA, Philippines – Ipinagpatuloy ng korte kaninang umaga ang pagdinig sa kasong serious illegal detention laban kay Janet Lim-Napoles at kapatid nito na si Reynaldo Jojo Lim.
Kaugnay ito ng umano’y pagdiditene sa whistleblower na si Benhur Luy sa isang retreat house sa Magallenes Village sa Makati City.
Kasamang dumalo ni Luy sa pagdinig ang kanyang pamilya.
Hindi naman dumating ang legal counsel ni Napoles sa naturang kaso na si Attorney Defensor Villamor kasunod ng paghahain nito ng notice of withdrawal of appearance.
Bunsod nito ay hindi natuloy ang isasagawa sanang cross examination kay Benhur Luy sa sala ni Judge Elmo Alameda sa Makati RTC Branch 150 at ang prosekusyon lamang ang nakapagtanong sa kanya.
Si Attorney Bruce Rivera ang papalit kay Atty. Villamor sa kasong serious illegal detention ni Napoles.
“I myself, I will be aided by other lawyers as well. We will handle the serious illegal detention case as well as being spokesperson of the family,” pahayag ni Atty. Rivera.
Ayon kay Rivera, sa ngayon ay kakailangan pa niyang pagaralang mabuti ang kaso kaya humiling ito na ireset ang cross examination ng prosecution witness.
Aniya, “It’s beyond our control because if you notice it’s Atty. Villamor who is appearing on the case, biglaan yung pagalis nya due to the problems sa parents nya so of course we understand the predicament. I don’t want to be so confident and say na kaya kong ilitigate na wala akong nakikitang isamang dokumento.”
Nilinaw naman ni Atty. Rivera na si Atty. Stephen David ang hahawak sa mga kaso ni Napoles sa Ombudsman at siya naman ang mangunguna sa mga kaso ni Napoles sa RTC.
Sa kanyang pagtindig sa korte upang humarap sa prosekusyon, sinabi ni Luy na maraming beses siyang tinakot ni Jojo Lim at pinagbantaan pati ang kanyang pamilya.
Disyembre 2012 hanggang Marso 2013 nang ikulong siya ng magkapatid, upang mapigilan na magsalita tungkol sa PDAF scam.
Ang pahayag na ito ay taliwas sa pahayag ng mga magkapatid na Lim at Napoles na umano’y nag-retreat si Benhur sa bahay sa San Jose Retreat House sa Magallanes Village.
Una nang sinabi ni Luy na nagtayo si Napoles ng iba’t-ibang pekeng NGO at foundations gamit ang iba’t-ibang pangalan ng mga kasambahay, drivers, mga kamag-anak at iba pang mga empleyado nito.
Si Luy ay dating empleyado ng JLN Group of Companies.
Nakatakda ang susunod na pagdinig sa darating na Hulyo 1, at 8. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)
↧
Abugado ni Napoles sa kasong serious illegal detention, nagbitiw
↧