Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Muling pagbiyahe ng provincial buses sa Davao, ipinagpaliban

$
0
0

MANILA, Philippines – Ipinagpaliban muna ang nakatakda sanang pagbabalik-operasyon ngayong araw ng pampublikong provincial buses na bumibiyahe mula Davao City papunta sa iba’t ibang lalawigan sa Davao region.

Ayon sa management ng Davao City Overland Transport Terminal (DCOTT), hindi pa umano handa ang mga lokal na pamahalaan ng mga karatig-lugar na tumanggap ng mga pasaherong manggagaling sa Davao City na may naitalang mga kaso ng novel coronavirus disease (COVID-19).

“Dili musugot atong mga kasigpit nga municipalities and provinces, di pa sila ready nga mudawat sa atoang mga pasahero nga maggikan diri sa Davao City because they don’t have facilities yet pa daw, hatagaan pa nato silag panahon,” ani Aisa Usop, ang head ng DCOTT.

(Ayaw pumayag ng mga kalapit nating municipalities and provinces, hindi pa sila ready na tumanggap ng ating mga pasahero na manggagaling dito sa Davao City because they don’t have facilities pa raw. Bibigyan natin sila ng panahon.)

Ayon kay Usop, humihingi pa ng karagdagang panahon ang mga karatig-lalawigan na makapaghanda ng isolation centers para sa mga pasaherong maaaring makitaan ng sintomas ng COVID-19.

Nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) ang Davao City simula noong May 16 at ngayong araw sana nakatakda ang pagbalik sa operasyon ng provincial buses sa Davao Region.

Nilinaw naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na hindi pa talaga maaaring bumiyahe ang lahat ng provincial buses dahil hindi pa naiisyuhan ng special permit ang mga ito.

Sa ilalim ng GCQ guidelines, maaaring payagang bumiyahe ang ilang piling uri ng transportasyon sa isang lugar kung may special permit ito at nakakasunod sa health and safety protocols.

Kabilang sa protocols ang pagsusuot ng face mask para sa mga pasahero, driver at konduktor; ang pagpapatupad ng mga hakbang bilang pagsunod sa social distancing measures gaya ng pagmamarka sa mga upuan kung saan lang maaaring pumuwesto ang mga pasahero; kailangan ding gumamit ng cashless o contactless na paraan sa pangongolekta ng pasahe upang mabawasan ang physical contact.

Nakasaad rin sa guidelines na limitado lang ang bilang ng mga pasaherong maaaring isakay sa mga pampublikong bus, jeep, taxi at traysikel upang maiwasan ang pagsisiksikan. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Marisol Montaño)

The post Muling pagbiyahe ng provincial buses sa Davao, ipinagpaliban appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481