MANILA, Philippines – Hindi na nagbigay pa ng anumang kumento ang Malakanyang sa mga naging saloobin ni Senator Bong Revilla Junior kay Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng umano’y ginagawang pamumulitika at panggigipit ng administrasyong Aquino sa kaniya.
Ayon kay Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Junior, nirerespeto nila ang karapatan ng senador na magpahayag ng kaniyang mga sentimyento.
Sinabi ng kalihim na gagampanan ng pulis ang kanilang tungkulin na inutos sa kanila ng korte ayon sa batas habang iginagalang naman ang karapatan ng mga akusado sa pork barrel scam.
“Our law enforcers will perform the duty assigned by the courts in accordance with law, and with due respect to the rights of concerned individuals,” ani Coloma.
Una na ring inihayag ng Malakanyang na hindi sila makikiaalam sa anumang gagawing pagpapasya ng hukuman kaugnay ng PDAF scam.
Umaasa na lamang aniya ang Malakanyang na gagawin ng Sandiganbayan ang kanilang tungkulin ng naaayon sa batas. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)
↧
Malacañan, inirerespeto ang mga naging sentimyento ni Senator Bong Revilla
↧