MALOLOS CITY, Philippines — Pinabulaanan ng rice mill owners sa Bulacan na may nagaganap na rice hoarding sa probinsya kaya tumataas ang presyo ng bigas sa merkado.
Wala rin umanong kakulangan sa supply ng bigas.
Ayon kay Marcelino Mariano, Presidente ng Intercity Rice Mill Owners & Traders Association sa Bocaue, Bulacan, naibibigay pa rin nila ang 60% na supply ng bigas na kinakailangan sa Metro Manila.
“Wala tayong shortage, marami tayong stock ng bigas, marami tayong stock ng palay sa ngayon, wala tayong hording makikita nyo lahat naka open ating mga bodega. Sa tingin ko kailangan lang natin ng suplay ng gobyerno ng NFA rice sa kalahatian ng Agosto at September kasi dyan palang mag-uumpisa ang ating ani.”
Ayon sa mga rice trader, talagang tumaas ang presyo ng binibili nilang palay sa mga magsasaka.
Mula sa dating P23.00 per kilo ng palay, nabibili na nila ito ngayon ng P27.00.
Isa sa mga dahilan nito ay ang pagtaas ng presyo ng ginagamit na fertilizer sa mga tanim na palay.
Samantala, tiniyak naman ng National Food Authority na hindi sila magtataas ng presyo ng NFA rice taliwas sa balitang tataas ang presyo nito.
“Hindi namin gagalawin ang presyo ng bigas ng NFA, nag-umpisa na po kami na magdagdag ng alokasyon, dito sa Metro Manila lang po ang dati ang sinusuplay lang po namin sa acredite retailer ay umaabot lang ng 10,000 ngayon gagawin po natin 25,000 bags plus idadagdag pa natin ating outlet. Existing ngayon 118,000 outlet sa Metro Manila at we are targeting 10% 108,000 outlets,10 percent bubuksan,” pahayag ni NFA Spokesman Rex Estoperez.
Target naman ng kagawaran na maka-pagproduce ang 21 metric tons ng palay ngayong taon. (Nestor Torres / Ruth Navales, UNTV News)