QUEZON CITY, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang dalawang magkahiwalay na aksidente kahapon ng madaling araw, Lunes.
Unang tinulungan ng grupo ang isang motorcycle rider sa Valenzuela City na bumangga sa truck.
Agad itong isinugod sa Philippine Orthopedic Center dahil sa tinamong bali sa kanang hita.
“Yung motor dire-deretso po siya. Nagmenor po ako diyan. Tinuloy pa rin niya kaya sumabit po siya sa panguna kong gulong,” pahayag ni Edwin Castillo, driver ng truck.
Samantala, nilapatan din ng paunang lunas at dinala sa ospital ng UNTV News and Rescue ang isang 50-anyos na lalake matapos itong mabangga ng motorsiklo habang tumatawid sakay ng bisikleta sa southbound lane ng North Edsa Quezon City kaninang madaling araw.
Ayon sa driver ng motorsiklo na si Reymond Reyes, hindi niya nakita ang biktima dahil madilim pa ng mga oras na iyon.
“Nabulaga na lang din ako bumangga na,” saad ni Reyes.
“Hindi niya alam kung bakit bumangga siya, hind niya alam kung san galing yung nakabisekleta,” pahayag naman ni MMDA Traffic Constable 3 Daniel Maghinay. (Jerico Albano / Ruth Navales, UNTV News)