QUEZON CITY, Philippines — Magsisimula na ngayong Miyerkules ang UNTV Rescue Summit na gaganapin sa World Trade Center sa Pasay City.
Iba’t-ibang rescue groups mula sa gobyerno at mga private organization sa bansa ang nakiisang lalahok at susuporta sa Rescue Summit.
Tampok sa summit ang exhibit ng mga rescue equipment and vehicles, gayundin ang palitan ng mga kaalaman sa larangan ng rescue.
Ayon kay Bureau of Fire Protection OIC, F/CSupt. Carlito Romero, malaking pagkakataon ito upang maipakita ang kakayahan ng gobyerno para sa pagliligtas ng buhay at mga ari-arian.
“Nagpapasalamat kami sa pamamagitan ninyo ay nagkaroon tayo ng pagsama-sama, itong ating organisasyon ng gobyerno at NGO at nagtulung-tulungan at dahil dito lalo natin mapapaigting ang kaligtasan ng mga mamayan.”
Para kay Jeffrey Santos, operations manager ng UNTV News and Rescue, isang hakbang ang naturang summit para sa pagkakaroon ng mas epektibong rescue operations.
“Na-test ng mother nature yan eh and we survived. What more ngayon that we are prepared. Hence the Summit and I’m thanking UNTV for granting this opportunity for all responders to be there and meet each other, shake each others hand and together save whoever we could.”
Sinabi naman ni UNTV Vice President for Administration Mr. Gerry Panghulan na layunin ng himpilan na lalo pang mapalawak ang pagtulong sa ating mga kapwa taong nangangailangan.
Katunayan nito ay ang pagkakaroon ng programang nakatutok sa rescue, ang Quick Action Team (QUAT).
“Kaya nagpunta tayo dun sa QUAT na TV program natin to encourage them and make UNTV as their own station. Hindi para ipagyabang kung ano ang kakayahan nila kundi para ipakita sa tao kung paano tayo nakakatulong para ma-encourage lahat ng mga abled-body Filipino citizen to come out,” pahayag nito.
Libu-libo ang inaasahang makikiisa sa Rescue Summit mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), MMDA, Philippine Coast Guard (PCG) at mga rescue volunteer.
Umaasa ang mga dadalo dito na magsisilbing daan din ito upang mawala ang kumpetisyon sa iba’t ibang rescue units sa bansa.
“Dito sa summit na ito malaking bagay kami nagkakakilala kaming lahat, yung unity nandodoon at the same time yung network marami kang nakikilala galing sa ibat ibang group, malaking bagay sa amin ito,” pahayag ni Oscar Gomez Jr., Senior OIC ng Bambang Masangkay Abad Santos Fire Brigade.
Maging ang mga sibilyan ay welcome sa summit lalo na ang mga nais matuto kung paano maghanda sa panahon ng kalamidad.
Samantala, pinuri naman ng ilang rescue group ang adbokasiya ni Kuya Daniel Razon na “Tulong Muna Balita”.
“Maganda yung parang tag-line ngayon na Tulong Muna Bago Balita kasi habang nakahiga na yung pasyente natin eh paano iinterviewhin nga naman. Kung media yung first responder natin, sila po yung mas makakatulong nga agad,” pahayag ni Michael Aaron Sy, managing director ng Bambang Masangkay Abad Santos Fire Brigade. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)