MANILA, Philippines — Inihayag ng Malakanyang na pinaghahandaan na ng solicitor general ang gagawing hakbang ng pamahalaan kapag nailabas na ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa legalidad ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
“Formal effects for the decision and respond if it is favorable to us well in good. When it is not favorable, then we will take necessary measure to look into it answer what legal remedy we can avail”, ayon kay Sec. Edwin Lacierda, Presidential Spokesperson.
Sa kasalukuyan, ayaw munang magbigay ng anumang espekulasyon ng Malakanyang sa magiging epekto nito kung madeklarang unconstitutional ang DAP ng administrasyong Aquino.
“We have no basis to say until we see the decision itself”, ani Lacierda.
Taong 2013 nang lumabas ang isyu sa DAP na umano’y ginawang suhol noon sa mga senador sa impeachment trial kay dating Chief Justice Renato Corona.
Isiniwalat ito ni Senator Jinggoy Estrada sa kanyang privilege speech.
Ipinaliwanag ng Department of Budget and Management Secretary Florencio Butch Abad na nang bumagal ang takbo ng ekonomiya ng bansa noong 2011, kinakailangang mapabilis ang infrastructure at social services spending ng pamahalaan upang maiangat muli ang ekonomiya na siya namang layon kaya may DAP.
Naninindigan rin si Pangulong Aquino na naaayon ito sa konstitusyon.
Naging batayan ng Malakanyang ang Article 6, Section 5 ng Konstitusyon at Section 39 at 49 ng 1987 Admin Code.
Hanggang sa inanunsyo ni Secretary Abad noong september 2013 na sinuspinde ni Pangulong Aquino ang implementasyon ng DAP nang lumabas ang COA special audit report.
Posible namang sa susunod na linggo lalabas na rin ang desisyon ng Korte Suprema sa petisyon ng ilang grupo na kumukuwestiyon sa legalidad ng DAP. (Nel Maribojoc, UNTV News)