ILOILO, Philippines — Matagumpay na natapos ang summer basketball for a cause sa Barotac Viejo sa Iloilo.
Ayon kay Mayor Niel ‘Beng’ Tupas III, ginaya niya ang nag-iisang charitable basketball league on TV, ang UNTV Cup sa kanyang sports project na pinagalanan niyang ‘Basketball Events for Noble Goals’ o BENG.
Si Mayor Tupas ay isa sa mga player ng LGU team na lumahok sa UNTV Cup season two.
Nilahukan ang inorganisa niyang basketball league ng iba’t ibang purok at barangay sa kanilang lugar.
Ang lahat ng players ay pumirma sa isang memorandum of agreement para sa ikapagtatagumpay ng proyekto na ang mananalong purok ay paglalaanan ng pondo mula sa munisipyo.
Tinanghal na kampeon ang purok Ilawod at ang proceeds ng kanilang napanalunan ay ipagpapagawa ng kanal at pagsesemento sa basketball court.
“Sabi ko sa kanila wala tayong cash price. You tell me kung ano ang gagawin niyo sa purok niyo at ‘yun ang ibibigay namin. Sabi ko ito na yung concept na kinukuha natin kay Kuya Daniel. Sabi ko this is from UNTV kung saan ang laro ay huwag mo nang isipin yung price. You have to think greater than the price that you will get. This is for the community”, pahayag ni Tupas.
Ang LGU Vanguards ay tinapos ang kampanya sa UNTV Cup Season 2 sa 3-5 win-loss record.
Naglaro din sa Vanguards ang kanyang bunsong kapatid na si Iloilo Board Member Nielo ‘Bong’ Tupas.
Samantala, panganay naman nilang kapatid si Iloilo Fifth District Congressman Niel Tupas Jr. na team captain ng HOR Solons.
Ang magkakapatid na public servant ay kilalang mahilig sa larong basketball kagaya ni Kuya Daniel Razon.
“Bata pa ho ako talagang mahilig na ako magbasketball and when I was to talk to somebody, ang sabi niya sa akin, alam mo dito sa atin sa Pilipinas 3 bagay lang lagi pinag-uusapan, religion, politics and basketball. Now that tumanda na po ako ng kaunti kaysa dati, sabi ko, siguro pupwedeng hindi na paglalaro lang ng basketball isipin natin na gamitin a vehicle para naman dun sa public service”, saad ni Mr. Public Service Kuya Daniel.
“Naipapasa na ito, yung ganitong klaseng noble cause basketball events”, pahayag ng alkalde. (Pong Mercado, UNTV News)