MANILA, Philippines — “Mananatili tayong matatag at hindi patitinag. Mahal ko kayo, mabuhay kayo.”
Ito ang maikling pahayag ni Senator Bong Revilla matapos humarap sa korte at basahan ng sakdal sa kasong plunder at graft .
Ang korte na ang nagpasok ng not guilty plea para kay Senator Revilla matapos na tumangging maghain ng kanyang plea.
Iginigiit ng kampo ni Revilla na peke ang kanyang pirma na nag-e-endorse sa bogus NGO ni Napoles.
Kasamang binasahan ng sakdal sina Janet Lim-Napoles, Richard Cambe na nag-enter ng not guily plea.
Bago ang arraignment, sinubukan ng prosekusyon na depensahan ang kanilang motion to amend information subalit hindi ito pinagbigyan ng korte.
Sa nasabing mosyon nais tanggalin ng prosekusyon sa orihinal na impormasyon na nagsasabing si Napoles ang nag mis-appropriate ng PDAF para sa kanyang sariling pakinabang at ipalit na ang senador mismo ang nagpayaman at nagkamal ng ill-gotten wealth sa tulong lamang kanyang mga kapwa akusado.
Tumutol naman dito ang abogado ng depensa.
Ayon kay Atty. Joel Bodegon, abogado ni Revilla, hindi maaaring baguhin ang anumang impormasyon dahil sa orihinal na impormasyon ibinase ng korte ang paglabas ng warrant of arrest.
“Ang motion na ‘yun, nag-coconfirm na void ang original information. If void ang original information, void din ang pagkaka-issue ng warrant of arrest at commitment order kaya hinihiling namin na i-release na si Senator Revilla.”
Ayon sa depensa, sa pagkakataong ito tila pumabor sa kanila ang korte dahil mismong ang motion to amend information ang gagamitin nilang mabigat na ebidensya upang mapawalang sala ang senador.
“Sa amin malaki itong ebidensya at kamalian yung pagfile ng information for plunder against Senator Bong Revilla. Patunay na talagang walang kaso laban sa kanya.”
Samantala, binasahan narin ng sakdal ang ilan pa sa mga kapwa akusado ni Revilla sa graft.
Sa 32 co-accused ni Revilla, 23 dito ang naka-schedule o arraignment kahapon subalit ilan sa kanila ang naghain ng motion to suspend arraignment.
Hindi rin kasama sa nabasahan ng sakdal sina John Reymund De Asis at Ronald John Lim dahil hindi parin ito sumusuko sa mga otoridad.
Itinakda naman ng korte sa July 3,4 at 7 ang preliminary conference sa kaso habang diringiin naman sa July 10 ang inihaing petition for bail nina Revilla, Cambe at Napoles. (Grace Casin, UNTV News)