MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Sandiganbayan third division sa special prosecution na siguruhing personal na natatanggap ng mga sangkot sa graft at plunder charges ang lahat ng mga isinusumite nitong komentaryo hinggil sa iba’t ibang mosyong inihain ng mga co-accused ni Sen. Enrile.
Sa pagdinig kahapon sa third division ng Sandiganbayan, karamihan sa 14 na mga co-accused ni Sen. Enrile sa graft charge ay nagsumite ng kanilang motion for judicial determination of probable cause samantalang ang iba nama’y nagsumite ng motion for reinvestigation.
Ayon kay Atty. Jose Villamor Jr., abugado ni Gregoria Buenaventura ng NLDC, isa sa mga co-accused at may 2 counts of graft charges, kahapon lang nila natanggap ang komentaryo ng prosekusyon sa kanilang motion for judicial determination of probable cause.
Kaya humingi sila ng ekstensyon sa korte upang maisumite naman ang kanilang sagot. Dagdag pa nito, tila hindi napag-aralang mabuti ng special prosecution ang mga isinampa nitong kaso.
“To me, the opposition was very, they didn’t study the case very well”, ani Villamor.
Binigyan ng tatlong araw na palugit ng justices sa pangunguna ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang ang defense lawyers ng mga akusado upang sumagot sa komentaryo ng special prosecution panel.
Ngunit pagkatapos ng tatlong araw na deadline, ang lahat ng mga mosyon ng mga nasabing akusado ay magiging submitted for resolution na o mabibigyang desisyon na ng korte kung may probable cause ba o mahina ang ebidensya laban sa mga akusado. (Rosalie Coz, UNTV News)