CEBU, Philippines — Nagsagawa ng surprise drug testing kahapon, araw ng Huwebes, ang crime laboratory sa Mandaue City Police Office dahil sa impormasyon na may mga pulis na gumagamit ng droga.
Sinabi ni MCPO Director Police Senior Superintendent Petronelli Baldebrin, sa 50 pulis na isinailalim sa drug testing 49 ang sumipot at nagbigay ng sample ng kanilang ihi. Ang dahilan ng pulis na hindi nakapunta sa drug test ay dahil may inasikasong personal.
Base sa resulta, isa ang nag-positibo ngunit hindi muna inihayag ang pangalan ng pulis dahil magsasagawa pa ng confirmatory test.
Samantala, naubusan umano ng drug testing kit ang crime laboratory.
Ang sinomang pulis na mapapatunayang gumagamit ng iligal na droga ay maalis sa serbisyo.
Ibinalita naman ng Cebu Police Office na maraming operasyon sa illegal drugs ang kanilang isinagawa nitong mga nakaraang buwan.
Base sa datos ng Police Provincial Office, nakapagsagawa na sila ng 116 na mga buybust operation mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon kumpara sa 60 operasyon sa parehong mga buwan noong 2013.
Umabot naman sa 273 ang mga kasong na-ifile sa korte at umaabot sa 2.9 million pesos ang halaga ng droga na kanilang nakumpiska.
Ayon sa mga awtoridad, isa sa nagiging mabisang paraan ng tuluyang pagaalis ng illegal na pagamit ng droga sa komunidad ay ang kooperasyon ng publiko upang matukoy ang kinaroroonan ng mga drug pusher. (Naomi Sorianosos, UNTV News)