MANILA, Philippines — Mahigit 200 private elementary at high school sa bansa ang pinayagan ng Department of Education (DepED) na magtaas ng matrikula ngayong pasukan.
Isa sa mga nagpatupad ng tuition increase ang Diliman Preparatory School sa Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon.
Ayon kay former senator at Diliman Preparatory School President Nikki Coseteng, halos dalawa hanggang tatlong libong piso ang nadagdag sa bayarin ng mga estudyante para sa school year 2013-2014.
Tiniyak naman ni Coseteng na makikinabang din sa increase na ito ang mga estudyante at guro.
Para naman sa mga estudyante, may bagong curriculum na ituturo at ito ang space science program.
Dito tuturuan ang mga estudyante mula preschool ng mga aralin patungkol sa space science.
Tiniyak rin ng pamunuan ng eskwelahan ang seguridad ng mga estudyante sa pamamagitan ng tinatawag na gatekeeper.
Sa sistemang ito, otomatikong makatatanggap ng text message ang magulang kung ito ay nakapasok na at nakalabas ng paaralan kapag inilagay ang kanilang ID sa isang device.
Kompleto rin sa gamit ang paaralan gaya ng CCTV camera at thermal scanner. (Grace Casin & Ruth Navales, UNTV News)